(NI BERNARD TAGUINOD)
“PAGTRAYDOR na iyan sa bayan.”
Ito ang reaksyon ng ilang mambabatas sa Kamara matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya ipagbabawal ang pangingisda ng mga Chinese sa Exclusive Economic Zone (EZZ) ng Pilipinas dahil hindi umano papayag ang China na isang kaibigan.
Ayon kina Akbayan party-list Rep. Tom Villarin at Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao, kulang na lamang na aminin ni Duterte na naibenta na ang teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea dahil imbes na idepensa ang soberenya ay pinapayagan nito ang China na mangisda upang hindi magalit ang nasabing bansa.
“Hindi po tama na isuko ang ating EEZ sa China kahit Presidente siya dahil para sa ating salinlahi iyan at hindi pagmamay-ari ng sinumang nakaupong Pangulo. Pagtatraydor sa bayan ang pagpayag na iyan,” ani Villarin.
Una rito, sinabi ni Duterte na wala itong balak na ipagbawal ang pangingisda ng mga Chinese sa loob ng EEZ ng Pilipinas dahil hindi papayag dito ang China na kaibigan ng Pilipinas.
Dahil dito, hindi maiwasan ni Casilao isipin na tuluyang naibenta o naisangla ni Duterte ang WPS kasama na ang Recto Bank na mayaman sa langis at gas, kapalit ng mga pondong inuutang nito sa nasabing bansa.
187