ECO CHA-CHA BILL PATAY NA SA SENADO

(DANG SAMSON-GARCIA)

NANINIWALA si Senador Juan Miguel Migz Zubiri na patay na o hindi na maisasakatuparan pa ang economic Cha-cha bill sa Senado.

Ito ay matapos ang pagpapalit ng liderato sa Senado kung saan inihalal si Senate President Francis Chiz Escudero na anya’y tutol sa Cha-cha.

Sinabi ni Zubiri na hindi na rin matutuloy ang mga nakalatag na konsultasyon ng Senate subcommittee on Constitutional Amendments sa Visayas at Mindanao makaraan itong bitiwan ni Senador Sonny Angara.

Kinumpirma naman ni Escudero na kanselado na ang mga pagdinig sa Cebu at Cagayan de Oro kaugnay sa Resolution of Both Houses 6.

Subalit tumanggi naman ang Senate leader na ideklarang patay na ang panukala dahil pag-uusapan pa anya ito ng buong Senado.

Bagamat may sarili anya siyang posisyon sa panukala, iginiit ni Escudero na dapat pa ring makabuo ng iisang posisyon ang Senado kaugnay nito sa pamamagitan ng pasya ng mayorya.

Mag-Move On Na

Hindi na dapat balikan pa ang naging proseso ng pagpapalit ng liderato sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Ito ang binigyang-diin ni Senate President Chiz Escudero kasabay ng pagtiyak na sisimulan nang aralin ang lahat ng naka-pending na panukala sa kanilang hanay.

Sinabi ni Escudero na hindi na dapat inuungkat ang masasakit na bagay sabay pabirong ipinayo sa mga nais balikan ang hindi magagandang pangyayari na manood na lamang ng teleserye.

Iginiit ng Senate leader na ang prinsipyo niya sa buhay, kapag natapos na ang halalan ay kinakailangan nang umabante at magsimulang magtrabaho.

Inamin naman ni Escudero na may mga bagay na ihihingi pa rin niya ng tulong at gabay kay dating Senate President Zubiri upang maging maayos ang takbo ng mga aktibidad sa Senado.

Partikular anya rito ay kung paano reresolbahin ang isyu sa pag-contempt ng Senate committee on public order and dangerous drugs sa dalawang resource persons sa PDEA leaks investigation.

Bukod dito, papakiusapan ni Escudero si Senador Sonny Angara na ituloy na ang pag-sponsor sa panukalang pag-amyenda sa Procurement Law na kanya nang nasimulan.

Independent Senator

Kinumpirma naman ni Zubiri na magiging independent member muna siya ng Senado makaraang magbitiw bilang Senate President.

Sinabi ni Zubiri na wala siyang pinagsisisihan sa pakikipaglaban para sa independence ng Senado kasabay ng pagmamalaki na sa loob ng dalawang taon ng kanyang pagganap bilang Senate President ay wala siyang scandal at ginawa niya nang maayos ang kanyang tungkulin.

Kinumpirma naman ni Zubiri na pag-uusapan pa nila ng mga senador na nanatili sa kanyang panig kung mananatili silang kaalyado ng majority bloc.

Kabilang sa mga nananatili ang loyalidad kay Zubiri sina Senators Loren Legarda, Joel Villanueva, JV Ejercito, Nancy Binay, Win Gatchalian, Sonny Angara at Bato dela Rosa.

Una nang ibinunyag ni Zubiri na may ilang senador ang naunang naghayag ng buong suporta sa kanya subalit biglang nawala o umatras ang mga ito.

Hindi naman pinangalanan ni Zubiri kung sinong mga mambabatas ang bumitaw sa kanya.

Hinihinala ni Zubiri na ilan sa mga posibleng dahilan ng pagpapalit ng liderato ng Senado ay ang mabagal na pag-usad ng Charter change, pagharang sa People’s Initiative at ang imbestigasyon sa PDEA leaks kung saan nakaladkad sa imbestigasyon ang pangalan ni Pangulong Bongbong Marcos.

162

Related posts

Leave a Comment