Pangamba ng House solon PAGLAYA NI DUTERTE ‘PARANG BOMBANG SASABOG

MAGPIPISTA ang troll armies sa pagpapakalat ng maling impormasyon at pananakot kapag tuluyang nabigyan ng pansamantalang kalayaan si dating pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC).

Pinangangambahan ito ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel kaugnay ng “interim release petition” ng mga abogado ni Duterte sa ICC dahil may bansa na miyembro ng nasabing korte ang handa umanong tumanggap sa kanya.

“This is a disinformation bomb waiting to explode. Ang pagpapalaya kay Duterte ay tiyak na gagawing viral content material na gagamitin ng paid troll army nila para i-bully, takutin at sirain ang morale ng mga pamilya ng EJK victims na nais sanang lumahok sa proseso ng ICC,” ani Manuel.

Kapag nangyari aniya ito, mababago ang imbestigasyon ng ICC at ang mas kinatatakutan ng mambabatas ay kapag nagkaroon muli ng akses si Duterte sa social media at lalong magkakalat ang fake news.

“Asahan natin na kapag nakalaya si Digong, kahit pansamantala lang, ay hindi sila lalaban nang patas o ayon sa batas,” ayon pa kay Manuel.

Ganito rin ang pangamba ni ACT Teacher party-list Rep. France Castro dahil manganganib umano ang kaligtasan ng mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs at maging ang mga katuwang ng mga ito na maisampa ang kaso sa ICC.

“Hindi dapat payagan ang pansamantalang paglaya ni Duterte. Kahit saan man siya ilagay sa mundo, patuloy siyang magiging banta sa mga biktima ng kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan,” paliwanag ni Castro.

Kinastigo rin ni Manuel ang Malacanang dahil wala umanong malinaw na posisyon ang mga ito kung kokontrahin o hindi ang kahilingan ng mga abogado ni Duterte na palayain ito habang nililitis ang kaso sa ICC.

“Pinapakita ng kawalang tindig ng Malacañang laban sa paglaya ni Digong na di sila sinserong tumitindig kasama ang mga biktima. Ang attitude nila na iwas-gulo ay pag-iwas din sa pagkamit ng hustisya,” ani Manuel.

Palasyo Walang Alam

Samantala, walang partisipasyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sinasabing “deal” o kasunduan sa pagitan nina Vice President Sara Duterte at Senador Imee Marcos para maiuwi na ng Pilipinas si Digong.

Tinanong kasi si Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kung ano ang pananaw ng Malakanyang sa sinabi ni VP Sara na umaasa itong matutulungan siya ni Imee Marcos para maiuwi na sa Pilipinas ang ama.

Inamin ni VP Sara na mistulang hostage na niya ang senador hanggat nananatili ang kanyang ama sa detention center ng International Criminal Court (ICC).

Ipinaliwanag naman ng Bise Presidente na lubos ang kanyang pag-asa na matutulungan sila ng senador para makauwi na sa Pilipinas ang kanyang ama dahil ang kapatid nito na si Pangulong Marcos ang nagsuko sa dating presidente sa ICC.

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

33

Related posts

Leave a Comment