PAGPA-INHIBIT SA PRO-DUTERTE SENATOR-JUDGES PINAGPAPLANUHAN

HINDI isinasantabi ng Prosecution team ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipa-inhibit ang mga senator-judge na hayagang sumusuporta kay Vice President Sara Duterte lalo na kapag tumawid ang impeachment trial sa 20th Congress.

Sa panayam kay Oriental Mindoro Rep. Arnan Panaligan, na isa sa 11 prosecutors ng Kamara sa impeachment trial laban kay Duterte, sa ngayon ay hindi pa pinag-uusapan ng mga ito ang pagpapa-inhibit sa mga pro-Duterte Senator-Judges.

“Siguro sa 20th Congress na ‘yan pag-uusapan. ‘Yan ay isa sa pag-aaralan ng prosecution panel kung ano ang magiging hakbang,” ani Panaligan nang tanungin kung may plano ang mga ito na ipa-inhibit ang mga senator-judge na hayagang nagtatanggol at supporters ni VP Duterte.

Bagama’t walang binanggit na mga pangalan, kabilang sa kilalang supporters ni Duterte sina Sens. Imee Marcos, Ronald “Bato’ dela Rosa, Christopher Lawrence “Bong” Go at Robin Padilla.

Sa katunayan, si Dela Rosa ang nagmosyon na idismiss ang impeachment case ni Duterte na sinuportahan nina Padilla, Marcos at Go subalit inamyendahan ito ni Sen. Alan Peter Cayetano at ipinabalik ang articles of impeachment sa Kamara para linawin kung nilabag ng mga kongresista ang saligang batas nang i-impeach ang Pangalawang Pangulo noong Pebrero 5, 2025.

Sinabi ni Panaligan na kapag natuloy ang impeachment trial sa 20th Congress, isa sa kanilang babantayan ay ang mga aktuwasyon at kung makita ng mga ito na hindi na sila magiging patas ay ipai-inhibit ang mga ito.

(BERNARD TAGUINOD)

15

Related posts

Leave a Comment