EMERGENCY POWERS NI DU30 SA TRAFFIC MALABO SA SENADO

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

MALABO pa ring pagbigyan ng Senate Committee on Public Services ang iginigiit na emergency powers para sa Pangulo upang resolbahin ang problema sa trapiko sa Metro Manila.

Ayon kay Committee Chairperson Senador Grace Poe, maaaring maresolba ng administrasyon ang problema kahit walang emergency powers mula sa Kongreso.

Sa pagdinig sa Senado, iginiit ni Transportation Secretary Arthur Tugade na kung naibigay ang emergency powers, tatlong taon na ang nakalilipas, posibleng sa ngayon ay nagrerepaso na lamang ngayon ang mga nagawa ng pamahalaan.

“Ang hinihingi nating emergency power ay may unique features. Ito ay hindi pang-forever. May sukat ito sa 2 hanggang 3 taon kaya kung ating pag-iisipan at bigyang tanaw ang nakaraan kung nabigyan ng emergency powers noon ay nirerepaso na natin ang nagawa kung napagbigyan noon. Kami ay umaasa na mabigyan ngayon ng pansin. Kung hindi forever, hindi rin absolute dahil maiiwan pa rin ang oversight power sa Kongreso,” diin ni Tugade.

Sumagot naman si Poe na maaari pa rin namang gawin ang mga nais gawin ng gobyerno para solusyunan ang trapiko kahit walang emergency powers.

“Nais ko lamang sagutin ang sinasabi nyo na kung naibigay ang emergency powers ay nasolusyunan na ang trapiko. Marahil oo, marahil din hindi,” saad ni Poe.

“Unang-una, nung kayo ay pumunta dito at hiningan namin kayo ng listahan, nagbigay kayo subalit hindi akma o tugma sa traffic lamang kaya hiningan namin kayo ng specific para traffic,” diin pa ng senador.

Hindi rin anIya kailangan ang emergency powers para mapabilis ang procurement dahil marami pang modes of procurement na pwedeng gamitin ng gobyerno upang mapabilis ito.

“Nakita ko sa inyong website ang dami na ninyong naprocure.  Huwag natin sisihin na dahil walang emergency powers ay hindi nagawa ang dapat gawin,” diin ni Poe.

“Wala akong sinabing wala kami nagawa kasi walang emergency powers. Mas marami sana kaming nagawa kung may emergency powers,” sagot naman ni Tugade.

Iginiit din ni Poe na isa pa sa dahilan kung bakit hindi naaprubahan ang emergency power bill ay dahil hindi naman ito certified urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte bukod pa sa hindi rin naman nakikipag-usap si Tugade sa komite.

“Pag ito po ay nakita nyo na kailangan, na-certify sana ito na bill na urgent,” giit ni Poe.

“Kayo (Tugade) bihira kayo magpakita dito para kausapin kami. Minsan ito na lang ang ginagawang kadahilanan dahil walang masolosyunan,” diin pa ng senador.

 

185

Related posts

Leave a Comment