(NI BERNARD TAGUINOD)
PINALALAYO ng isang mambabatas sa Kamara ang mga politiko lalo na ang mga local politicians sa relief operations sa mga magsasaka na naapektuhan sa tag-tuyot dahil sa El Nino.
Ginawa ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate dahil parami nang parami ang mga probinsya na apektado ng El Nino kung saan natutuyo ang mga bukid dahil sa kawalan ng ulan.
Ayon sa mambabatas, kailangang matulungan ang mga magsasaka na ito hindi lamang sa kanilang mga susunod na pananim pagsapit ng tag-ulan kundi asistehan ang mga ito sa kanilang mga pangangailangan.
Gayunman, ang national government umano ang dapat magsagawa ng relief operations sa mga apektadong magsasaka at huwag ipaubaya sa mga pulitiko, lokal man o nasyunal.
“Baka kasi ang mangyari ay may epal na politiko na naman na nakapaskel ang mga mukha sa food packs o kaya ay namamahagi ng pera gamit ang pera ng bayan,” ani Zarate.
Nitong Biyernes, ay pormal nang nagsimula ang kampanya ng mga local candidates, mula sa Congressmen, Governors, Vice Governor, Board Members, Mayor, vice mayor at municipal at city council.
Maliban dito, anumang pondo na ilalaan para tulungan ang mga magsasaka ay hindi umano dapat magamit sa propaganda ng gobyerno lalo na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Hindi rin dapat gamitin ito ng AFP o PNP na yung mga magsasaka na bibigyan ng tulong ay sasabihing mga surrenderees o hindi kaya ay pipiliting mag-CAFGU,” ayon pa sa mambabatas.
117