(NI JEDI PIA REYES)
IPINAKO-CONTEMPT ng Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 34 ang dating driver-bodyguard at lover umano ni Senador Leila de Lima matapos tumangging tumestigo laban sa senador.
Isasalang sana si Ronnie Dayan sa witness stand laban kay De Lima kaugnay sa kasong disobedience na kinakaharap nito.
Gayunman, nuong nakaraang taon pa pinaninindigan ni Dayan na hindi tumestigo laban sa senadora. Iginigiit ni Dayan ang karapatan sa self-incrimination dahil hindi umano siya maaaring tumestigo sa katulad na kaso na kanyang kinakaharap.
Kapwa kinasuhan ng disobedience sina De Lima at Dayan nuong 2016. May kinalaman ito sa pagpapadala umano ng text ni De Lima sa anak ni Dayan para isnabin ang pagdinig ng Kamara patungkol sa paglaganap ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).
Pinangunahan nina dating Speaker Pantaleon Alvarez at Rep. Rodolfo Fariñas at Rep. Reynaldo Umali ang paghahain ng kasong disobedience laban kay De Lima at Dayan.
Muling itinakda ng korte ang pagdinig sa Mayo 15.
150