EXTENSION NG SHS PROGRAMS SA SUCs APELA NG NAT’L PTA

students12

HINIKAYAT ng National Parents-Teachers Association (PTA) Philippines ang Commission on Higher Education (CHED) na ipagpatuloy ang senior high school programs nito sa state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs) ng isa pang taon.

Sa isang panayam, sinabi ni PTA national president Willy Rodriguez na mabibigyan nito ng mas maraming oras ang mga public schools, guro, magulang at Department of Education (DepEd) na makapaghanda para sa pagbabago.

“Sa ngayon po hindi pa handa ang ating mga magulang sa usaping yan. Kasi nga po madaming estudyante ang maaapektuhan,” ayon kay Rodriguez.

“Talagang hindi pa po handa ang ating DepEd sa ating mga public schools,” dagdag na pahayag nito.

Kamakailan ay muling inulit ng CHED ang desisyon nito na itigil na ang SHS program sa SUCs at LUCs.

Sa isang memorandum na may petsang Disyembre 18, sinabi ni CHED chairman Prospero de Vera III na ang pagkakaugnay ng SUCs at LUCs sa basic education sa pamamagitan ng SHS ay dapat lamang na maging limitado sa K-12 transition period mula School Year (SY) 2016-2017 hanggang SY 2020-2021.

Ani Rodriguez, magkakaroon ito ng malaking epekto sa mga estudyante at magulang dahil sa karagdagang gastusin.

Ang paliwanag naman ni De Vera, pinaalalahanan ng CHED ang SUCs at LUCs sa nakalipas na dalawang taon na maghinay-hinay sa SHS enrollment dahil wala na itong legal na basehan para ipagpatuloy ang pagtanggap ng high school students.

Maaari naman aniyang ang displaced learners ay mag-enroll sa private schools at makakuha ng voucher program.

(CHRISTIAN DALE)

84

Related posts

Leave a Comment