SABWATAN NG TRANSPORT OFFICIALS SA PUVMP BUBUSISIIN

MAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Miyerkoles hinggil sa sabwatan umano ng mga dati at kasalukuyang transport officials sa pag-import ng mga mamahaling sasakyan na ipapalit sa mga tradisyunal na pampasaherong jeep.

Ayon kay House committee on transportation chairman at Antipolo Rep. Romeo Acop, hindi dapat ipagwalang bahala ang impormasyong nakarating kay House Speaker Martin Romualdez hinggil sa anomalya at katiwalian sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

“We cannot allow corruption to take root in the implementation of the modernization program. If we are to proceed with the modernization of our PUVs, we must make sure there is not even a whiff of irregularity,” ani Acop.

Isa sa mga aalamin sa imbestigasyon kung sino-sino ang mga dati at kasalukuyang transport officials na nagsasabwatan sa pag-angkat ng mga modernong jeep para panagutin ang mga ito kung kinakailangan.

Lumalabas na may pinapaboran umanong brand ang mga nagsasabwatang dati at kasalukuyang transport officials na ayon kay Acop ay seryosong alegasyon na hindi dapat palagpasin ng Kongreso.

Ang modernong jeep na nais ipalit sa mga tradisyunal na jeep ay nagkakahalaga ng P2.5 million hanggang P2.8 million kada unit na hindi umano kaya ng mga ordinaryong tsuper at operators.

Malayong-malayo ito sa P200,000 hanggang P400,000 na halaga ng traditional jeep kaya maraming tsuper at operators ang hindi nag-consolidate ng kanilang prangkisa dahil posibleng pambayad utang lang ang kanilang kikitain araw-araw sa pamamasada.

Bukod dito, posibleng maging dahilan din umano ang modernisasyon ng jeepney para tumaas ang pamasahe na magiging pahirap naman sa commuters.

(BERNARD TAGUINOD)

133

Related posts

Leave a Comment