(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
DAPAT para sa lahat ang full transparency sa pondo hindi lang sa tanggapan ng Pangalawang Pangulo.
Ayon sa grupo ng mga manggagawa, kailangan busisiin din sa budget hearing ang pondo ng lahat ng sangay ng gobyerno kabilang ang Malakanyang at mismong dalawang kapulungan ng Kongreso.
“Ang hiling natin sa mga budget hearing ay FULL TRANSPARENCY sa pondo. Hindi lang mula kay VP Sara (na nakikipagmatigasan sa mga mambabatas) kundi maging sa Malakanyang at mga alyado nito sa Senado’t Kongreso, na may sobra-sobrang ‘unprogrammed funds’,” ani Ka Leody de Guzman, pangulo ng Partido Lakas ng Masa.
Isinisi rin nito sa labis na unprogrammed funds ang dahilan kaya kinukulang sa pondo ang pamahalaan.
Ito aniya ang dahilan kaya kinuha ni Finance Sec. Ralph Recto ang sinasabing “unused funds” ng PhilHealth.
Binatikos din nito si Senate President Chiz Escudero na nagbigay kamakailan ng pahayag kaugnay sa hindi magandang kinahinatnan ng pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa budget hearing sa Senado at Kamara.
Tugon ni De Guzman, pinapakita lang ni SP Chiz ang tatak Dinastiya.
“Para kay SP Chiz, personal ang ugat ng mga naging debate sa Senate budget hearing. Hindi ang katigasan ni VP Sara.
Hindi ang pagkawasak ng alyansang Uniteam. Hindi ang sigalot ng mga Marcos at Duterte na iigting pa sa halalang 2025 hanggang eleksyong 2028.
Hindi ang pag-uudyok sa alitang ito mula sa Estados Unidos at sa Tsina. Palibhasa’y nagmula sa dinastiya. Nasanay si SP Chiz sa mga transaksyong batay sa personal na relasyon. Tapikan ng mga balikat. Takipan ng mga butas. Alang-alang sa pulitikal na interes ng angkan.
Ganyan ang ugnayan ng mga trapong balimbing mula sa mga dinastiya. Ang interes ng mga political dynasty (Marcos man o Duterte) ay hindi ang pagseserbisyo sa mamamayan,” bahagi pa ng pahayag ni Ka Leody.
54