(NI BERNARD TAGUINOD)
KAILANGANG dumaan muna sa Human Immunodeficiency Virus (HIV) seminar ang mga overseas Filipino workers (OFWs) bago lumipad sa ibang bansa.
Ito ay matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act (RA) 11166 o Philippine HIV and AIDS Policy Act na inaasahang makakatulong upang makontrol na ang pagdami ng mga Filipino na biktima ng HIV na nauuwi sa Acquired Immuno Deficiency Syndrom (AIDS).
Ayon kay OCT-OFW party-list Rep. Aniceto Bertiz III, kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga ahensyang magpapatupad ng nasabing batas partikular na sa hanay ng mga Filipinong manggagawa sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nakasaad aniya sa Section 17 ng nasabing batas na lahat ng mga overseas-bound Filipino workers kasama na ang mga Philippine government staff na nakadeploy sa mga embahada ng Pilipinas sa iba’t ibang panig ng mundo ay kailangang sumailalim muna sa HIV seminar na pangungunahan ng OWWA.
Layong ng nasabing seminar na imulat ang mga Filipino na mangingibang bansa kung ano ang sanhi ng HIV, paano ito maiiwasan at ano ang epekto nito sa kanilang buhay, pamilya at lipunan.
Bibigyan ang mga ito ng certification na nagpapatunay na dumaan ang mga ito sa HIV seminar bago sila payagang umalis upang magtrabaho sa ibang bansa.
Sinabi ni Bertiz na mahalaga ang seminar na ito dahil 10% sa 61,152 na biktima ng HIV at AIDS mula 1984 ay mga OFWs o 6,179.
Sa nasabing bilang, 86% aniya to o 5,317 ay mga lalaking OFWs kung saan 72% sa mga ito ay nakuha ang HIV dahil sa tinatawag na men-to-men sex.