NAGHAIN ng isang panukalang batas si Senador Sherwin “Win” Gatchalian upang hindi na kaltasan ng buwis ang honoraria, transportation allowance at iba pang benepisyo na ibinibigay sa mga poll worker tuwing halalan tulad ng guro.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na nakatakdang amyendahan ng Senate Bill No. 1193 ang National Internal Revenue Code of 1997 upang matanggap ng poll workers tulad ng guro ang kabuuang halaga ng kanilang honoraria at iba pang benepisyo tuwing halalan.
“As the registration for the May 2022 polls opens on January 20, I am urgently calling for the passage of a bill that aims to grant tax exemption to the honoraria, transportation allowance, and other benefits of poll workers, especially public school teachers,” ayon kay Gatchalian.
Nagsimulang kaltasan ng 5% withholding tax ang election service honoraria at iba pang allowances mula noong 2018 barangay elections.
Layunin ng panukala ni Gatchalian na alisin ang honoraria at allowances ng mga poll worker tulad ng guro mula sa gross income.
Ayon sa mambabatas, pinakamahusay na pamamaraan ang panukala upang pasalamatan ang mga guro at iba pang poll workers na tumitiyak sa malinis, tapat at maayos na halalan sa ating bansa.
Sa ilalim ng Election Service Reform Act (ESRA), makatatanggap ang chairperson ng election board ng P6,000 at P5,000 kada miyembro. Tumatanggap naman ng P4,000 bawat isa ang supervisor ng Department of Education. May P1,000 travel allowance naman kada poll workers. Walang probisyon sa tax exemption ang ESRA.
Iginiit ng mambabatas na sa kabila ng patuloy na pagseserbisyo ng poll workers na tiyakin ang resulta ng transmission, kailangan pa nilang magbayad ng income tax kung ang kanilang annual taxable income, kabilang ang honoraria at allowance ay lalampas ng P250,000 threshold na itinakda ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
“Mahabang oras ang inilalaan ng mga guro upang siguruhin ang kaayusan at integridad ng ating mga halalan. Kaya naman inihain natin itong panukalang batas na ito upang kilalanin ang kanilang mahalagang papel para pangalagaan ang ating demokrasya,” giit ni Gatchalian.
Bukod sa pagbabayad ng income tax sa kabila ng matinding trabaho tuwing halalan, nalungkot din si Gatchalian sa proseso sa pagkuha ng kanilang bayad.
Aniya, kailangan magtungo pa sa local Commission on Elections ang mga guro at iba pang poll workers upang kolektahin ang kanilang election honoraria at benepisyo pagkatapos magsumite ng deklarasyon na exempted sila dahil hindi aabot sa P250,000 ang kanilang kita kada taon. (ESTONG REYES)
105