(NI ABBY MENDOZA)
ISANG resolusyon ang inihain na sa House of Representatives para magkaroon ng House Inquiry In Aid of Legislation kaugnay sa korapsiyon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahilan ng naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin ang PCSO games noong Sabado.
Sa ngayon ay balik na ang operasyon ng lotto games matapos na rin tanggalin ni Duterte ang ban sa operasyon nito habang nananatiling suspendido pa rin ang ibang laro ng ahensya kabilang ang Peryahan ng Bayan, STL at Keno.
Sa House Resolution No 141 na inihain ni House Minority Leader Benny Abante hiniling nito na imbestigahan ang pagpapasara sa lahat ng PCSO outlets dahil sa katiwalian, partikular na pinakikilos ng mambabatas ang House Committee on Games and Amusement para silipin ang nasabing usapin.
Sinita rin ni Abante ang hindi pagsusumite ng annual report sa Kongreso tungkol sa mga aktibidad nito.
Isusulong din umano nito sa Kamara na rebyuhin at amyendahan ang PCSO charter dahil hindi umano nakapaloob dito ang korapsiyon na isa sa mga dapat na maparusahan.
Pinuna pa nito na walang expiration ang charter ng PCSO kung saan ang ilang probisyon nito ay dapat nang baguhin.
123