(NI BERNARD TAGUINOD)
GINUNITA ng kanyang mga kasamahan sa oposisyon ang ikalawang taon ni Sen. Leila de Lima sa loob ng kulungan dahill sa mga kasong may kaugnayan umano sa ilegal drug trade na itinatanggi naman ng senador at mga kasamahan nito.
Magugunita na inimbestigahan ng Kamara sa ilalim ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez ang umano’y koneksyon diumano ni De Lima sa mga drug lord sa New Bilibid Prison (NBP).
Kasunod nito ay kinasuhan na ng Department of Justice (DOJ) sa Muntinlupa Regional Trial Court si De Lima at dahil may kaugnayan sa ilegal na droga ang kaso ay hindi ito pinayagang magpiyansa.
Kahapon, Pebrero 24, ang ikawalang taon na ni De Lima sa Philippine National Police (PNP)Custodial Center.
Ayon sa isa sa mga kaalyado ni De Lima sa Kamara na si Magdalo party-list Rep. Gary Alejano, ito rin ang ikalawang taon nang tangkain ng adminitrasyong Duterte na patahimikin at takutin ang mga Filipino na kagaya ni De Lima na mulat aniya sa katotohanan at nilalaban ang hindi makatarungang pamamahalakad aniya ng gobyerno.
“Inakala nila na kapag napatahimik nila at naikulong ang isang Leila De Lima ay tuluyan na nilang magagawa ng walang pagtutol ang mga baluktot nilang nais na taliwas sa interes ng mga Pilipino,” ani Alejano.
Subalit ayon kay Alejano, ang pang-iipit at pag-usig aniya sa mga taong walang takot na nagsasabi ng katotohanan at sa mga taong walang takot na ilantad sa taumbayan ang mga mali sa pamamahala ang , ang siyang nagbibigay inspirasyon sa ating mga kababayan at sa oposisyon na ipagpatuloy na palakasin ang labang sinimulan ni De Lima.
“Walang sinasanto ang opresyon at ang pagiging diktador ngunit hindi dito magpapatinag ang pagnanais ng bayan na kumawala at maging malaya gamit ang katotohanan, hustisya, at demokrasya, mga katangian na iyong patuloy na kinakatawan sa bawat taon, araw, at oras,” ayon pa kay Alejano.
157