(NI SIGFRED ADSUARA)
DAGDAGAN ang pag-inom ng maraming tubig ngayong tag-init upang makaiwas sa anumang uri ng sakit.
Ayon kay Department of Health (DoH)-CALABARZON (Cavite Laguna Batangas Rizal Quezon) Regional Director Eduardo c. Janairo, kulang ang walong baso ng tubig na iniinom ngayong tag-init dahil madaling made-hydrate ang katawan.
“Yung alam natin na 8 glassess of water, kulang yun dahil madali tayong pawisan at ang katawan natin madaling ma-dehydrate dahil sa sobrang init. Mas maraming iniinom na tubig, mas maganda dahil kailangan ito ng ating katawan para maka-replenish agad. Isa ring mabisang paraan ito upang makaiwas sa anumang uri ng sakit ngayong tag-init,” payo ni Janairo.
Ayon pa kay Janairo, maraming lumalabas na sakit ngayong tag-init kabilang ang sore eyes, cough and colds, skin diseases, typhoid, hepatitis, cholera, measles, diarrhea and rabies gayundin ang heat stroke at sunburn kaya kailangan nating mag-ingat.
Pinayuhan din niya ang publiko na umiwas na nasa labas sa pagitan ng alas- 9:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon dahil possibleng ma-heat stroke at sunburn.
“Ito ang oras de-peligro dahil sa sobrang init ng panahon maaari kang magkaroon ng heat-stroke at sunburn. Kung maiiwasan huwag ng lumabas ng bahay kung kinakailangan naman dapat magdala ng payong, mineral water at huwag magsusuot ng de-kolor na damit because it attracts heat. Wear light colors at huwag kalilimutang maglagay ng sun-block.” dagdag pa ni Janairo.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), isa ang CALABARZON na nagtala ng mataas na heat indexes kung saan umabot ng 43.7° Celsius sa Ambulong, Batangas at 43.2° Celsius sa Sangley Point, Cavite.
Pinayuhan din ni Janairo ang mga senior citizens na manatili sa loob ng bahay lalo na sa umaga upang makaiwas sa hypertension, asthma, heat stroke, exhaustion, heat cramps, fainting at rashes.
281