(NI ABBY MENDOZA)
PARA sa Makabayan Bloc, hindi makatotohanan ang pagbaba ng inflation rate sa 2.7% ngayong Hunyo mula sa 3.2% noong Mayo.
Ayon kay Bayan Muna Reps. Carlos Zarate at Ferdinand Gaite, bagama’t ipinagmamalaki na bumaba ang inflation ay hindi naman ito nararamdaman ng mga Filipino, anila, inflation lang ang bumaba ngunit hindi ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Sa halip pa nga na bumaba ay nagtataasan pa ang presyo ng gatas, kape, karne, gulay at iba pang pangangailangan gayundin ang presyo ng petrolyo.
Iginiit ng mga kongresista na isang “figure” o numero lamang ang pagbaba ng inflation rate pero hindi nagrereflect o nakikita sa pang – araw-araw na buhay ng mga Pilipino dahil hindi naman nababawasan ang mahihirap.
Nagbabala pa sina Zarate at Gaite na mababaon pa lalo sa hirap ang mga Pilipino sa mga susunod na dekada dahil sa 15.8% na itinaas ng utang ng bansa na nasa P7.915 trillion ngayong taon kumpara sa P6.832 trillion noong 2018.
Samantala, sinabi ni Ako Bicol Rep Alfredo Garbin na dapat tutukan ang problema sa inflation dahil ito ang sukatan na nasosolusyunan ang kahirapan.
“For several decades the country has had a chronic poverty problem. Despite high economic growth rates in recent years, the poverty rate has remained stubbornly high and even increased in recent years, translating to even more poor Filipinos than before,”pagtatapos pa ni Garbin.
221