NAPIPINTONG ipatawag ng Senado at ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr)at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kasunod ng umano’y mga iregularidad sa Technical Working Group (TWG) patungkol sa motorcycle taxi.
Nagtipon kahapon sa isang press conference ang mga kinatawan ng civil society groups na bahagi ng TWG at ibinunyag na sila ay naitsa-puwera sa mga pagpupulong na isinagawa kamakailan. Ito ay sa kabila umano ng kanilang paghingi ng updates sa pilot run.
Dahil dito, nagsumite ng petisyon ang mga binalewalang TWG members na humihiling na busisisiin ng Senado at ng Kongreso ang kawalan anila ng transparency at inclusivity sa paggawa ng desisyon ng TWG.
Tinanggap ang petisyon ni Ariel Lim, adviser at consultant ni Sen. Grace Poe, pinuno ng Senate Committee on Public Service. Si Lim ay pinuno rin ng grupong Transport Poe.
Kabilang sa mga isiniwalat ng grupo ay ang umano’y pagsasagawa ng “secret meetings” ng iilan lamang na miyembro ng TWG kabilang na ang DOTr, LTFRB at mga kaugnay nilang ahensya kung saan nagpalabas sila ng rekomendasyon sa extension ng pilot run at pagtanggap sa mga bagong motorcycle taxi companies. Wala umanong konsultasyon at pagpapasabi sa mga orihinal na TWG members ang nasabing hakbang.
Ayon kay Lim, ang Senado ang siyang nagpasya para magkaroon ng pilot run sa motorcycle taxi kasunod din ng rekomendasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“Nagtaka lang kami kung bakit ganito ang nangyayari dahil ang talagang layon namin ay hindi maging maluwag sa pagbibigay ng approval ng motorcycle taxi,” ani Lim. “Parang negosyo na ata ang iniisip dito, hindi po ganon ang tingin ni Sen. Poe dahil buhay ang nakasalalay rito,” he added.
“Walang iisang ahensiya o departamento ang maaaring magpasya kung papayagan ang ibang motorcycle taxi players na maksama sa pilot run. Dapat muna itong aprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso,” pagbibigay-diin pa ni Lim.
Dahil dito, malamang na mapatawag ng Senado at ng Kamara ang mga opisyal ng DOTr at LTFRB upang tanungin sa lumilitaw na mga iregularidad.
Nagkakaisa ng daing ang mga miiyembro ng TWG kahapon sa pagbatikos sa umanoy naging kaduda-dudang proseso ng ng TWG. Kabilang sa pumirma sa petisyon ay ang mga kinatawan ng Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP), KOMYUT, LEADER, Move Metro Manila, at Transport Watch (TW).
Nauna rito, nagsampa ng petition for injunction with application for a Temporary Restraining Order (TRO) ang grupong LCSP na pinamumunuan ni Atty. Ariel Inton laban sa limang motorcycle taxi companies na umano’y pumapasada na sa kabila ng kawalan ng basbas ng mga awtoridad.
309