INAKO umano ng Islamic State ang naganap ang twin blast na pumatay sa hindi bababa sa 18 katao at nakasugat ng maraming iba habang nagsisimba sa katedral sa Jolo, Sulu, Linggo ng umaga.
Gayon man, iginiit ng militar na Abu Sayyaf, isang maliit na grupo ng Islamic extremist at kilala sa pangingidnap at pambobomba, ang nasa likod ng pagpapasabog bandang alas-8 ng umaga sa Mt. Carmel Cathedral .
Sa panayam, sinabi ni Brig. General Edgard Arevalo, spokesperson ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na una na nilang hinala na mga miyembro ng Abu Sayyaf ang responsable sa pagsabog base na rin umano sa impormasyong nakalap at sa CCTV footage na nakuha. Gayon man, hindi umano isinaisantabi na may iba pang grupo ang nasa likod ng pambobomba.
Isinasagawa na rin ang pursuit operation at lockdown sa Jolo, Sulu gayundin ang pagtunton sa kuta ng mga suspect.
“Hindi po naming tinatantanan ang pagtugis at mga miyembro ng Abu Sayyaf ang target namin,” sabi pa ni Arevalo.
Ang pagsabog ay naganap ilang araw matapos ang ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law gayundin ang implementasyon ng martial law sa buong Mindanao. Umabot na sa 81 katao ang sugatan at 27 ang nasawi sa itinuturing na pinakamadugo sa nakalipas na taon.
Kinondena rin ng Palasyo ang pagsabog at nangakong sisirain ang sinumang nasa likod nito.
Unang sumabog ang bomba sa loob ng katedral malapit umano sa pwesto ng choir at isa sa entrance ng simbahan.
152