Kalamidad ginagamit para mag-import NANLILINLANG SI BBM – FARMERS

(BERNARD TAGUINOD)

ISANG uri ng panlilinlang ang paggamit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kalamidad lalo na sa nagdaang bagyong Egay at habagat para maikatwiran ang panibagong pag-aangkat ng bigas na siguradong dagdag pako sa kabaong ng mga magsasaka.

Ginawa ng grupong Amihan ang nasabing pahayag sa kanilang kilos protesta kahapon sa Department of Agriculture (DA) upang kalampagin si Marcos sa kawalang aksyon umano nito sa tumataas na presyo ng bigas matapos manalanta ang bagyong Egay.

“Dapat magalit at singilin si Marcos sa kapabayaan niya sa mga magsasaka at maralitang konsyumer. Panlilinlang sa publiko na kapag may bagyo dapat mag-import ng bigas mula sa ibang bansa,” ani Zenaida Soriano, national chairperson ng Amihan.

Magugunita na sinabi ni Marcos na mag-aangkat ng bigas ang bansa dahil maraming taniman ng palay ang nasira sa bagyong Egay na sinundan ng habagat sa Northern at Central Luzon.

Subalit ayon kay Soriano, napakaraming palayan sa bansa ang hindi naapektuhan ng bagyo at habagat bukod sa sandamakmak umano ang imported rice na dumating sa bansa noong Hulyo.

“Umabot na sa 1.9 milyon MT ang pumasok na imported na bigas noong Hulyo. Halos katumbas ito ng kabuuang rice import ng bansa noong 2018 (2 milyon MT) pero patuloy pa ring tumataas ang presyo ng bigas,” pahayag pa ni Soriano.

Tanging rice importers aniya ang buhay kay Marcos habang patuloy na naghihirap ang mga magsasaka at mga konsyumers dahil “ipinasa nito sa private traders ang pagdedesisyon sa presyo at hindi basta-basta namimili ng palay ang gobyerno para gawing bigas, kaya tumataas ang presyo nito sa merkado”.

Sa hanay naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na kasama sa kilos protesta, mistulang nakalimutan anila agad ni Marcos ang magsasaka na biktima ng kalamidad at mga konsyumer na apektado sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“President and agriculture Secretary Bongbong Marcos Jr. is maintaining a business-as-usual stance on the effects of super typhoon Egay and harping on “Filipino resiliency” to mask his inefficiency and negligence in times of calamity,” ayon sa KMP.

185

Related posts

Leave a Comment