(NI FRED SALCEDO)
WALA pa umanong napagdedesisyunan ang Land Transporation Office (LTO) sa kung anong klaseng materyales gagawin ang plaka sa iminungkahing ‘doble-plaka’ sa mga motorsiklo.
Nilinaw ng LTO na walang nakasaad sa “doble-plaka” law na bakal ang gagamiting materyales para rito, na ikinababahala ng maraming motorista.
Matatandaang higit sa 50,000 motorcycle riders ang nagsagawa ng protesta hinggil sa panukalang “doble plaka” ng LTO.
Minamandato ng batas ang pagkakaroon ng mas malaking plaka para sa mga motorsiklo na kailangang tanaw mula 15 metro ang plate number ng mga mga motorsiklo.
Subalit ayon kay LTO chief Edgar Galvante, walang probisyon sa batas na naglalahad kung ano ang dapat na disenyo o materyales ang dapat gamitin sa mga plaka.
“Gusto nating linawin na walang probisyon sa batas na bakal ang gagamitin,” ani Galvante .
Napangunahan lang umano ang mga kritiko dahil kadalasang metal ang ginagamit sa mga plaka.
“Ang nangyari lang ay kapag nasabing plate ay ibig sabihin ay metal na ito,” dagdag niya.
Ayon kay Galvante, kasalukuyan pa nilang inaaral kung ano ang disenyo ng gagamiting plaka.
164