KASONG ISINAMPA NG OMBUDSMAN BUMABA

ombudsman1

(NI JEDI PIA REYES)

AABOT sa 71-porsyento ang ibinaba sa bilang ng mga kasong naisampa ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan nuong 2018 kumpara sa naitala ng taong 2017.

Sa taunang ulat ng Sandiganbayan, aabot sa 739 na kaso lang ang naihain ng Ombudsman noong nakaraang taon. Mas mababa ito sa naitalang 2,513 kaso na isinampa sa anti-graft court noong 2017.

Sa nasabing bilang, 178 ang naihain sa unang limang buwan na pag-upo ni Ombudsman Samuel Martires simula nuong Hulyo 26. Kaunti ito kumpara sa naisampang mga kaso nuong panahon ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales na 978 (Agosto hanggang Setyembre ng 2017) o nangangahulugan ng 81-porsyentong pagbaba.

Tiniyak na ni Martires na magkakaroon ito ng imbentaryo sa lahat ng kaso na nakahanay sa fact-finding investigation upang matukoy na ang mga kinakailangang ma-dismiss at ang mga nararapat na umusad ang paglilitis.

Samantala, nangunguna sa mga kasong nakahain sa Sandiganbayan ay ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na nasa 341, sumunod ang malversation na 144, at falsification na 115.

Bumaba rin ng 15-porsyento ang mga kasong na-solusyunan ng Sandiganbayan noong nakaraang taon. Aabot lang sa 1,075 kaso ang na-dispose noong 2018 na mas mababa sa 1,264 na kaso noong 2017.

4

Related posts

Leave a Comment