(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI na ikinagulat ng ilang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kung bigo si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang giyera kontra ilegal na droga dahil ang mga maliliit na users ang kaniyang pinuntirya at hindi ang mga malalaking drug lords at mga shabu importers.
Ayon kay Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao, unang bugso pa lamang aniya ng drug war ni Duterte ay nagbabala na ang mga ito na hindi siya (Duterte) magtatagumpya sa kaniyang misyon dahil mga users at small time pushers lamang ang kanilang tinatarget at pinapatay.
“That admission was long overdue. Matagal nang failure ang drug war ni Duterte. Sa simula pa lang failure na ito dahil simplistic ang drug war ni Duterte. Body count ang main indicator of success at reign of terror ang main strategy,” ani Casilao.
Sinabi ng mambabatas na sa halos tatlong taong giyera kontra ilegal na droga, wala aniyang nalambat na big fish kaya hindi nakakapagtataka aniyang tuloy pa rin ang pagdami ng supply.
Tila lalong lumakas din umano ang loob ng mga drug lord dahil sa gitna ng giyera kontra ilegal na droga ay sunud-sunod ang pagdating ng mga malalaking illegal drug shipments.
Samantala, hindi naman ikinagulat ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano ang muling pag-uugnay kay presidential son Paulo “Polong” Duterte sa sindikato ng droga sa bansa.
Ginawa ni Alejano ang pahayag kasunod ng pagkalat ng video sa rebelasyon ng isang nagpakilalang “Bitoy” hinggil sa perang tinatanggap umano ng batang Duterte mula operasyon ng sindikato ng droga sa bansa.
“Nakababahala na kung sino pa iyong mga nasa administrasyon, sila pa ang nadadawit ngayon sa ilegal na droga sa kabila ng war on drugs,” ani Alejano kaya nararapat lamang umanong imbestigahan ito.
208