(NI ABBY MENDOZA)
KAHIT nakabreak ang sesyon at magiging abala ang ilang mambabatas sa pangangampanya para sa May midterm elections, magpapatuloy pa rin ang oversight committee hearings sa House of Representatives.
Ayon kay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo pangungunahan ito ng mga kongresistang hindi tatakbo sa halalan at yung mga kumakandidatong walang kalaban.
Una na din sinabi ni House Minority Leader Danilo Suarez na syang Chairman ng House Oversight Committee na isa sa maaaring ituloy na hearing ay ang isyung kinasasangkutan ni Budget Secretary Benjamin Diokno.
Samantala, ipinagmalaki ni Arroyo na natugunan lahat ng Mababang Kapulungan ang priority measures na binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address noong 2018.
Pinatunayan lang umano nila sa mga botante na nagdodoble-kayod ang pinili nilang iluklok sa Kongreso noong 2016.
Nagpasalamat din si Arroyo kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa paggalang nito sa independence ng kapulungan, lalo na noong tinatalakay pa ang 2019 national budget.
Sa kanyang talumpati bago ang break ng Kongreso, sinabi ni Arroyo na ang proposed 2019 budget na marahil ang siyang pinaka-nahimay na panukalang pambansang pondo sa mga nakalipas na dekada.
Sa kabila ng malalimang pagsusuri na ginawa ng Kongreso rito, ginalang pa rin daw ni Pangulong Duterte ang constitutional ng dalawang kapulungan para matiyak ang transparency at accountability sa budget process.
“His cognizance of the need for transparency and accountability during his watch, served as a beacon of guidance and inspiration for us all. As a former Chief Executive myself, I am well aware of how much can be achieved by a close, constructive partnership between an elected President and the elected representatives of the people,” ani Arroyo.
Binati rin ng lider ng Kamara ang Senado sa pagpasa ng pambansang pondo at tinawag pa itong “joint achievement” ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Samantala, nagpasalamat naman din ito sa kanyang mga kasamahan sa Kamara sa pagpasa ng makabuluhang mga panukalang batas sa kanyang speakership stint lalo na ang mga priority bills ng punong ehekutibo.
Kabilang aniya sa mga ito na naging ganap nang batas ay ang mga sumusunod: Organic Law for Bangsamoro Autonomous Region, Coconut Farmers & Industry Development Act, Rice in the Agricultural Tariffication Act, Enhanced Universal Healthcare Act, at marami pang iba.
Sa Mayo 20 na babalik muli ang sesyon ng Kamara matapos ang midterm election.
143