(NI FROILAN MORALLOS)
AGARANG pinabalik ng Bureau of Immigration (BI) sa kanilang bansa ang isang Korean fugitive na wanted ng mga otoridad sa Korea dahil sa pago-operate ng illegal gambling sa website.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang suspek na si Jung Hyeongwook, 35.
Umalis ito noong Sept. 3 sakay ng Philippine Airlines flight patungong Busan.
Si Jung ay ipina- deport ilang araw matapos ito sumuko sa Korean Embassy sa Manila makaraang ipa-kansela ng Korean Embassy ang kanyang pasaporte.
Napag-alaman na wanted si Jung sa kanyang lugar dahil sa paglabag ng Korean national sports promotion act, kung kayat nailagay ang kanyang pangalan sa red notice ng Interpol noong July 16.
Batay sa rekord ng Korean police, sa pagitan ng October 2015 at March 2016, si Jung ay nag-operate ng illegal gambling sa website na kung tawagin ay “pony–ber1.com” para rito tumaya ang kanyang mga kliyente .
Nakakolekta si Jung at ang kanyang kasama mula sa mga tumataya ng aabot sa $6 milyon sa pamamagitan ng kanilang online gambling racket.
Sa ilalim ng Korean laws, maaring makulong si Jung ng hindi bababa sa pitong taon.
282