Kumalat na open letter hindi kinikilala ‘BATA-BATA’ SYSTEM ITINANGGI NG AFP

(JESSE KABEL RUIZ)

MARIING itinanggi ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may umiiral na favoritism o bata-bata system sa kanilang organisasyon.

Tugon ito sa kumalat na open letter at social media posts hinggil sa favoritism at palakasan system umano sa kanilang hanay para makakuha ng magandang posisyon kahit na hindi deserving o kulang sa kwalipikasyon.

Aminado naman ang AFP na may mga nasasagap silang anonymous text messages at social media posts na umiikot sa kanilang hanay hinggil sa reklamong favoritism at mismanagement sa loob ng AFP organization.

“These claims are unfounded and do not reflect the reality of our promotion system,” ani Col. Francel Margaret Padilla, tagapagsalita ng Hukbong Sandatahan.

Ani Col. Padilla, “We will not dignify these and its anonymous author.”

Hindi aniya nila kikilalanin ang balita maging ang hindi nagpakilalang awtor. Sa halip, kikilingan nila ang propesyonalismo at estratehikong desisyon ng kanilang liderato.

“We stand by the professionalism and strategic decision-making of our leadership. The promotion and appointment system within the AFP is designed to recognize merit and dedication,” nakasaad pa sa kalatas ng AFP.

Iginiit pa ng Sandatahang Lakas na ang promosyon ay binabase sa merito at dedikasyon.

Gayundin, ang lahat ng paglalakbay ng opisyal ng AFP, enlisted leaders at sibilyan sa human resources ay nakalinya sa kanilang misyon sa panlabas na depensa at seguridad.

“Likewise, all travels of AFP officers, enlisted leaders, and civilian human resources are mission-focused and are in line with our international defense and security engagements.”

Ang pakikilahok na ito ay nagbubunga ng bago at malakas na kooperasyon sa militar tulad ng sa ibang mga bansa, higit sa harap ng sitwasyon sa West Philippine Sea.

Tumitiyak din ito sa naipangakong obligasyon sa mga katuwang na bansa.

Nangangako rin ang liderato ng AFP na tutugunan ang anomang isyu at tiyaking mangingibabaw ang merito ng propesyonalismo sa lahat ng oras.

Mananatili rin ang AFP na nakatutok at ipatutupad ang prinsipyo ng integridad, disiplina at serbisyo sa bayan at hindi magpapagambala sa nagtatago at walang basehang mga alegasyon.

“The AFP leadership is committed to addressing any issues and ensuring that the principles of merit and professionalism guide our actions at all times. We will remain focused and dedicated to the principles of integrity, discipline, and service to the nation and will not be distracted by anonymous and baseless allegations,” pagtatapos ng inilabas na pahayag ng AFP.

Dedma naman ang Department of National Defense (DND) hinggil sa nasabing isyu at hindi rin nagkomento maging ang ilang nabanggit na opisyal sa open letter.

Kamakailan ay kumalat ang mga open letter o white papers sa hanay ng kasundaluhan hinggil sa umano’y umiiral na nepotismo at cronyism sa loob ng organisasyon ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.

Matatalim ang mga akusasyong ibinato na nakasaad sa open letter. Kabilang dito ang pagkakaroon umano ng impluwensya ng mga politiko at maybahay ng pinuno ng AFP sa kanilang promosyon.

Gayundin ang demoralisasyon na idinulot umano ng pagkakatalaga ng ilang hindi kwalipikadong opisyal.

“Bakit’ di na consider ang mga naghirap sa unit during junior days at bakit ang namamayagpag ay mga walang combat experience at panay staff lang ang naging trabaho?

“Ang emphasized sa special units ay seniority mula 2022 pero sinira ng mga officers na nagsipagbalimbing sa politikos para makapwesto lalo na ‘yung merong bad service record. Sila pa ngayon ang nakaupo,” bahagi ng nilalaman ng open letter.

Dahil umano sa mga pangyayaring ito ay umugong ang demoralisasyon sa hanay ng AFP.

Sa huli, hiniling ng mga gumawa ng open letter na maimbestigahan ang kanilang mga reklamo bago pa “masira ang integridad ng military”.

282

Related posts

Leave a Comment