(NI BERNARD TAGUINOD)
KINUMPIRMA ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na totoo ang P160 milyon ang pondo ng bawat kongresista na mas malaki sa P70 Million bago idineklara ng Korte Suprema noong 2013 na unconstitutional ang dating PDAF o priority development assistant funds.
“Totoo yun,” ani ACT party-list Rep. Antonio Tinio sa kanilang press conference subalit nilinaw ng mga ito na hindi sila kasama sa nagkaroon ng nasabing pondo.
Bukas (Biyernes) ay aaprubahan na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang bicameral conference committee report sa P3.757 trilyon pondo ngayong 2019.
“We confirm na nandyan ang P160-million allocation per representative. Bahagi ito ng kabuuang pork barrel insertions ng Senate, House at Malacanang ng 2019 budget na nais nila i-approve bukas,” ani Tinio.
Sinabi ng mambabatas na hindi umano tinanggal sa national budget ang P160 milyon ng mga kongresista sa national budget na nadelay dahil sa awayan aniya sa pork barrel na tinawag ngayong congressional insertions.
Sa P160 milyon na inilaan sa bawat mambabatas, P70 miyon dito ay para sa hard projects at P30 milyon ay para sa soft projects tulad ng pambili ng texbooks at schorlarship.
“Before the SC ruling declaring pork barrel as unconstitutional, ‘yung allocation ay P60 milyon to P70 milyon. Ngayon, dumoble pa ang pork,” ayon pa kay Tinio.
Ang nasabing halaga ay mga regular allocation lamang ng bawat mambabatas at may dagdag pa na mas malaki ang ilang piling kongresista lalo na ang mga may mataas na posisyon sa Kongreso.
“Sa mga paboritong anak ng diyos, bilyon pa nga for certain legislators. Pinapakita dito na irrelevant na ang Supreme Court decision sa PDAF na napapaikutan at napapaglaruan na ng mga lawmakers,” ayon pa kay Tinio.
Halimbawa dito ang P51 bilyon na insertions umano ng mga kongresista kung saan si dating House Speaker Pantaleon Alvarez ay nakakuha ng mahigit P3 bilyon na nabuko ni House appropriation committee chairman Rolando Andaya Jr.
Nagtataka naman si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa pananahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng pork barrel na laging pinagmumulan umano ng katiwalian.
“Kung seryoso sya sa kanyang anti-corruption drive,hinahamon namin si President Duterte na wakasan na ang pork barrel system na pinagmumulan ng malawakang korapsyon. Madudulas na nga sila sa mantika ng pork,” ani Zarate.
123