Inaprubahan na ng Bicameral Conference Committee ang pinagsamang bersyon ng Senado at Mababang Kapulungan na panukalang hindi na kailangan magpalit ng mobile number kapag lumipat sa ibang mobile service provider o magpalit ng subscription plans mula prepaid tungo sa postpaid o vice versa.
Inihayag ito ni Senador Win Gatchalian matapos aprubahan ng komite ang pagsasanib ng Senate Bill No. 1636 at House Bill No. 7652, mas kilala bilang Lifetime Cellphone Number Act.
“Isang hakbang na lang ang mga consumer patungo sa pagkakaroon ng kalayaan na mamili ng provider na magbibigay ng mas mahusay na kahalagahan ng kanilang pera nang hindi pinapalitan ang kanilang mobile number,” ani Gatchalian.
Iginiit pa ni Gatchalian na patitingkarin ng panukala ang technological innovation sa mobile service providers dahil mapipilitan silang makipagkumpetensya sa iba sa pagbibigay ng mas mahusay na serbisyo.
“Ang importanteng feature nitong batas ay hindi na kailangan ng consumers na magpalit ng cellphone numbers, lalo na kung gusto nilang lumipat sa third telco. Ngayon kasi kung marami kang cellphone numbers, isang malaking problema ang paglipat. Kakailanganin mong i-text ang lahat ng kakilala mo na papalitan mo na ang cellphone number mo,” paliwanag pa ni Gatchalian, principal author at sponsor ng SB 1636.
151