MATINDING trapik ang aasahan ng mga motorista dahil sa isinasagawang road reblocking at repairs ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilang kalsada sa Metro Manila ngayong weekend.
Sa abiso kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), dakong alas-11:00 ng gabi nitong Biyernes nang simulan ang pagsasaayos sa southbound A. Bonifacio Avenue Cloverleaf hanggang 11th Ave. (1st lane magmula sa sidewalk); EDSA Bulakan St. hanggang West Ave. (3rd lane buhat sa sidewalk) at EDSA pagsapit ng BP Tuazon flyover hanggang pagdating naman ng A. Boni Serrano flyover (2nd lane buhat sa MRT Line).
Kinukumpuni rin ang westbound General Luis St., Samote St. hanggang SB Road at Elliptical Road magmula sa Kalayaan Ave. hanggang Maharlika St. (6th lane mula sa outer sidewalk) gayundin sa northbound EDSA, QC pagkatapos ng Aurora Blvd. hanggang New York St. (3rd lane buhat sa sidewalk).
Ang lahat ng apektadong kalsada ay bubuksan sa motorista sa Lunes, Pebrero 10 ng alas-5:00 ng madaling araw.
Samantala, sarado rin sa motorista ang Pasig Boulevard malapit sa Total gasoline station (second lane buhat sa sidewalk) dakong alas-10:00 ng gabi kamakalawa at madaraanan naman sa Lunes ng alas-4:00 ng madaling araw. ROSE G. PULGAR
175