(Ni DANG SAMSON-GARCIA)
PINAG-IINGAT ni Senador Win Gatchalian ang lahat ng mga paaralan sa bansa dahil posibleng lingid sa kanil-ang kaalaman ay nagbebenta na sila ng mga produktong positibo sa African Swine Fever o ASF.
Kamakailan lang ay kinumpirma ng Bureau of Animal Industry o BAI sa ilalim ng Department of Agriculture o DA na positibo sa ASF ang mga produktong hotdog at skinless longganisa mula sa Mekeni.
“Mahalagang mag-doble ingat ang mga paaralan lalo na’t mahilig ang mga bata sa ganitong klase ng mga produktong positibo sa ASF. Sa mga feeding program na isinasagawa ng DepEd, halimbawa, dapat siguruhin ng ating mga guro na gumagamit sila ng mga malinis at mapagkakatiwalaang mga produktong ipakakain sa mga bata,” saad ni Gatchalian.
Nanawagan din ang senador sa Department of Education o DepEd na manguna na sa kampanya at gawing bahagi ang mga magulang sa hangaring ito.
Ayon kay Gatchalian, na siyang may hawak ng Committee on Education, Arts and Culture sa Senado, kina-kailangan ang lubos na pag-iingat matapos matuklasang positibo sa ASF ang ilang processed pork mula sa bansang China.
Una nang sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na may 13 ASF outbreaks na nakumpirma sa apat na probinsya: Pangasinan, Pampanga, Bulacan and Rizal.
Dahil dito, mahigit 20,000 na mga baboy ang ibinukod upang maiwasan ang pagkalat pa ng ASF virus kung saan 6,600 ang nagpositibo.
Bagama’t hindi naman nakakaapekto ang ASF sa kalusugan ng mga tao, binigyang diin ni Gatchalian na dapat gawin ng mga paaralan ang lahat ng mga posibleng hakbang upang hindi makompromiso ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
“Etong mga hakbang na maaari nating gawin, nagsisimula ito sa responsableng pamimili at lubos na pagluluto ng karne sa mga paaralan. Ito ay upang maiwasan natin ang pagkakasakit ng mga mag-aaral pati na rin ang pagkalat pa ng ASF,” pahayag ng senador.
Nauna nang sinabi ng Department of Health o DOH na maaaring pagmulan ng ASF ang mga hilaw at kontaminadong karne ng baboy at kung makakain ang mga baboy ng hilaw at kontaminadong karne.
Maaari namang kumalat ang virus kung ang mga malulusog na baboy ay nagkaroon ng ugnayan sa mga baboy na positibo sa ASF. Ilan pa sa mga maaaring pagmulan ng ASF ang mga feeds, mga tirang pagkain, at basura, ayon sa DOH.
Mariing pinaalalahanan din ni Gatchalian ang lahat ng mga magulang o maybahay na maging mapanuri sa mga pagkain sa bahay.
“Kung hindi naman nababantayan sa mga bahay nila, malalagay pa rin sa panganib ang ating mga estudyante,” diin ng senador.
161