PINABULAANAN ng Malakanyang na magkakaroon ng ‘shifting alliance’ ang bansa kasunod ng pagbasura ng Pilipinas sa Visiting Forces Agreement sa Amerika.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, hindi totoo ang pinalalabas ng iilan na lilipat na nang alyansa ang bansa partikular na sa China.
Paliwanag ng kalihim hindi umano ‘shifting alliance’ ang nangyayari bagkus ay tinatanggal ang mga alliance natin sa bagong polisiya ni Pangulong Duterte.
Ipinatutupad lamang umano ng Duterte Administration ang ‘Friends to all, enemies to none’ na foreign policy ngayon ng Pilipinas.
Ito umano ay ibinase lamang sa national interest ng bansa at kapakanan ng mga Filipino.
Kaugnay nito, kumbinsido ang Malakanyang na wala nang makapagpapabago pa sa isip ni Duterte para bawiin ang pag-terminate sa VFA.
Ito ay kahit pa umano baguhin ang nilalaman ng kasunduan at gawing pabor sa Pilipinas.
Ipinunto ni Panelo na kailangan nang baguhin ang ugali na laging umaasa sa ibang bansa bagkus ay dapat nang magtiwala na kaya ng bansa na tumayo sa sariling mga paa.
Dagdag pa ng kalihim, kahit may mayroong mahigit 170 days pa bago tuluyang mapaso ang VFA, para sa Palasyo ay tuluyan na itong nabasura. CHRISTIAN DALE
205