LIBONG maliliit na negosyante na ang kumakapit sa utang o loan upang maipagpatuloy ang pagnenegosyo matapos maapektuhan nang husto sa pinairal na enhanced community quarantine.
Ito ang lumabas sa virtual hearing ng House committee on micro, small and medium enterprises (MSMEs) kaugnay ng kalagayan ng maliliit na negosyante sa bansa sa gitna ng pandemya.
Ayon kay Frank Gonzaga, head ng Small Business (SB) Corporation, mula Abril, umaabot na sa 110,137 MSMEs operators ang nagtanong kung papaano makautang ang mga ito upang maipatuloy ang kanilang pagnenegosyo.
Sa nasabing bilang, 287 loan application na ang kanilang inaprubahan kaya umaabot na sa P1.22 Million ang kanilang naipautang habang 4,198 pa ang kasalukuyang pinoproseso.
Karamihan kasi aniya sa mga aplikante ay hindi nakumpleto agad ang mga requirement subalit sinabi ni Gonzaga na nais nilang tulungan ang lahat ng maliliit na negosyante para makabangon ang mga ito sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Binuksan din umano ng mga ito ang online application noong Hunyo 8, kung kailan sinimulan ang programa, upang hindi na lumuwas ang mga MSMEs lalo na ang mga nasa probinsya at ngayon ay umaabot na sa 753 online loan application ang kanilang natanggap.
Ayon sa mga mambabatas, ang pagdagsa ng mga loan application sa maiksing panahon lamang ay indikasyon na labis na naapektuhan ang maliliit na negosyante sa COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng nasabing programa, maaaring umutang ang MSMEs operators na may assets na hindi lalagpas sa P15 Million, ng P10,000 hanggang P500,000 na may 0% interest subalit may 6% na service fees para sa 18-month term at 8% naman ang service fee sa 30-month term. BERNARD TAGUINOD
123