(NI JESSE KABEL)
NILINAW ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na base sa hawak nilang intelligence report kaya may mga kasapi ng media at celebrities na nakapaloob sa kanilang narco list.
Subalit mabilis din nilinaw ni Usec Derrick Carreon na patuloy pang isinasailalim sa balidasyon ang mga pangalan.
Malinaw naman umano na ang intelligence report ay mga raw information na kailangang sumailalim sa validation at re-validation para maging factual at maaring magamit sa case build-up.
Sinabi pa nito na kailangan pa ng maraming panahon upang makumpirma nilang sangkot sa illegal na droga o parte ng sindikato ang mga nasa listahan.
Una rito, inihayag ni PDEA Director General Aaron Aquino na ilang miyembro ng media at mga artista ay kabilang sa may 20,000 katao na nasa kanilang drug watchlist.
Hindi rin umano maaring kasuhan ang mga ito hanggat hindi ganap na sumailalim sa validation at re- validation ng intelligence network ng PNP AFP at NICA at maging mga ahente ng PDEA para sa case build up bago ang pormal na paghahain ng kaso.
Gayunman, ang prayoridad umano ng mga ahensiya ay mula sa malalaking sindikato pababa sa mga gumagamit nito.
Una nang nagbabala si Aquino na tataas pa ang bilang ng mga personalidad na kinabibilangan ng mga hukom, artista, piskal at pulitikong nasa hawak nilang watchlist kaugnay sa iligal na droga.
Ito ay dahil tuluy- tuloy ang ginagawa nilang validation at bineberipika ang kaugnayan ng nasa 13 judges, 31 celebrities at 10 piskal na nasa watchlist.
Aminado si Aquino na napakahirap mag-validate dahil ang kalalabas na listahan ng 46 narco-politicians ay inabot ng mahigit isang taon na beripikasyon ng mga intelligence information.
Nabanggit din ni Aquino na ilan sa mga artistang nasa watchlist ay karaniwang gumagamit ng cocaine at hindi aakalaing drug addict kung pagbabasehan ang kanilang imahe sa telebisyon.
Ang mga hukom naman, ayon pa sa report, ay mga nagbabasura ng mga drug cases kaya halos walang umuusad na kasong kanilang isinasampa sa korte.
259