(NI KEVIN COLLANTES)
INIANUNSIYO ng Manila Electric Company (Meralco) na muli silang magpapatupad ng rotational brownout sa ilang lugar sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, dahil na rin sa panibagong serye ng maintenance works.
Batay sa paabiso ng Meralco, sinimulan ang maintenance works at rotational brownout nitong Lunes, Abril 8, at magtatagal hanggang sa Abril 14, Linggo.
Kabilang umano sa mga lugar na apektado ng rotational brownout ay ang Quiapo, Sampaloc at Sta. Cruz sa Maynila; Baclaran sa Parañaque City; Loyola Heights sa Quezon City; at Canumay West, Arkong Bato at Palasan sa Valenzuela City, gayundin ang Obando, San Ildefonso, San Miguel, Norzagaray, San Jose del Monte City at Meycauayan, sa Bulacan; Candaba, Pampanga; Dasmariñas City at General Trias sa Cavite; Liliw, Nagcarlan, Pila at Sta. Cruz sa Laguna.
Nabatid na kabilang sa mga nakahanay na tatrabahuhin ng Meralco ay line reconductoring works, line conversion works, paglilipat ng mga pasilidad na apektado ng pagtatayo ng LRT extension, pagpapalit ng mga pangunahing linya ng kuryente, pag-upgrade ng mga pasilidad, preventive maintenance at testing works sa loob ng NGCP – San Rafael substation, maintenance at repair works sa loob ng ilang Meralco substation at pagpapalit at pag-install ng mga poste; at line maintenance works.
Kaugnay nito, muli namang humingi ng paumanhin ang Meralco dahil sa naturang rotational brownouts.
Tiniyak naman nito na ang maintenance works ay isinasagawa nila upang higit pang mapagbuti ang serbisyong ipinagkakaloob nila sa kanilang consumers.
176