MINAHAN NI GATCHALIAN SA SIBUYAN PINASUSUSPINDE

NAGBABADYA ang tuluyan pagkawasak ng kalikasan at pagkaubos ng mga pambihirang hayop sa kagubatan sa sandaling simulan ang operasyon ng minahang pag-aari diumano ng kapatid ng bagong talagang Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Isla ng Sibuyan sa lalawigan ng Romblon.

Panawagan ng mga residente sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), huwag pahintulutan ang pagmimina ng nickel ore ng kumpanyang Altai Philippines Mining Corporation (APMC) na konektado umano sa isang Kenneth Gatchalian, kapatid ni DSWD Sec. Rex Gatchalian.

Pangamba ng mga residenteng nagbarikada bilang patunay ng kanilang masidhing pagtutol, masisira ang kanilang “flora and fauna” at maging ang kabuhayan ng mga lokal na mamamayan.
Higit na kilala ang Sibuyan bilang tahanan ng mga pambihirang halaman, bulaklak at hayop na sa naturang isla lang matatagpuan.

“We are seeing that our island is being destroyed, but no one is responding. There is still no positive action being taken by the concerned government agencies,”  dismayadong pahayag ni Elizabeth Ibañez na tumatayong lider ng Sibuyanons Against Mining (SAM).

“Almost 100% of the people on Sibuyan Island, especially in Barangays España and Taclobo [sa bayan ng San Fernando], do not want the mine because it will destroy the environment and affect livelihoods,” dagdag pa niya.

Batay sa mga dokumentong hawak ng grupo, itatayo di umano ang minahan sa mga barangay ng España at Taclobo.

Pangamba pa ni Ibañez, magsisilbing mitsa ng pagguho ng lupa ang operasyon ng minahan sa mga naturang barangay.

Bukod sa mga Sibuyanon, una nang tinabla ng Barangay España at Taclobo ang nasabing proyekto. Sinisilip din ng grupo ang kawalan ng permiso mula sa lokal na pamahalaan, foreshore lease contract mula sa DENR, at pahintulot mula sa Philippine Ports Authority sa planong pagtatayo ng isang pantalan.

Unang ibinunyag ni Rodne Galicia na tumatayong executive director ng Living Laudato Si, ang di umano’y pagdaong ng isang bagara (barge) na gagamitin sa pagbiyahe ng hindi bababa sa 50,000 metriko toneladang nickel ore patungo sa bansang China.

Maging ang mga mangingisda, kinontra rin ang pagdaong at paglalayag ng dambulahang bagarang di umano’y sisira sa kanilang pangisdaan na tangi nilang pinagkukunan ng kabuhayan.
Sagot naman ng APMC, ginawaran sila ng mineral ore export permit (MOEP) ng Mines and Geosciences Bureau na nakabase sa Mimaropa – bagay na kinumpirma naman ni MGB regional director Glenn Marcelo Noble.

Ayon kay Noble, totoong binigyan ng MGB regional office ng MOEP ang APMC – “for bulk testing purposes per its approved exploration work program” sa kahilingan na rin ng nasabing kumpanya.

“Under its MPSA, APMC is cleared to ship out its sample ore to a reliable direct shipping ore pyro-plant and testing company in order to complete the necessary metallurgical study.”
Taong 2009 nang gawaran ng noo’y Environment Sec. Lito Atienza ng Mineral Product Sharing Agreement (MPSA) ang APMC.

Kamakalawa nabalot ng tensyon ang barikada ng mga taga-Sibuyan nang magkagirian sila ng mga pulis at  environmental defenders, kabilang ang ilang residente matapos umanong tangkaing lumabas sa sinasabing barikada ang isang truck na kargado ng nickel ores. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

629

Related posts

Leave a Comment