(NI DANG SAMSON-GARCIA)
LUSOT na sa Senado ang panukala para sa pagbibigay ng night shift differential pay sa mga empleyado ng pamahalaan na obligadong magtrabaho nang lagpas sa regular working hours.
Sa botong 20-0, inaprubahan sa 3rd and final reading ang Senate Bill 643 o ang panukalang pagbibigay ng night shift differential sa mga empleyado ng pamahalaan na naseserbisyo sa bayan.
Batay sa Labor Code of the Philippines, ang night differential pay ay hindi hihigit sa 10% ng regular wage sa bawat oras ng mga empleyado na pumapasok sa pagitan ng alas-10 ng gabi hanggang ala-6 ng umaga.
Gayunman, iginiit ni Senador Bong Revilla, author ng panukala na ito ay para lamang sa mga pribadong empleyado.
Alinsunod sa batas ang mga government employees, kabilang na ang mga pumapasok sa government-owned or controlled corporations, maging sila man ay permanent, contractual, temporary, o casual, ay dapat na bigyan ng night shift differential rate na hindi lalagpas sa 20% ng hourly basic rate.
Nakasaad din sa panukala na ang pondo para rito ay magmumula sa national government na ilalagay sa taunang General Appropriations Act.
“Public sector employees also deserve the benefit we give to their private counterparts,” giit ni Revilla.
142