(NI KEVIN COLLANTES)
PINAALALAHANAN ng Department of Education (DepEd) ang pamunuan ng mga pampublikong paaralan sa bansa na istriktong ipatupad ang kanilang ‘no collection policy’ sa graduation at moving up ceremony ng mga mag-aaral nilang magsisipagtapos ngayong School Year 2018-2019.
Ito, ayon sa DepEd, ay alinsunod na rin sa ipinatutupad na ‘austerity program’ ng pamahalaan.
Batay sa DepEd Order No. 002, series of 2019, na may petsang Pebrero 18, 2019, at na may titulong ‘School Year 2018-2019 K to 12 Basic Education Program End of School Year (EOSY) Rites’, ang mga gastusin sa mga ganitong aktibidad ay dapat na magmula sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng paaralan.
“No DepEd personnel shall be allowed to collect any kind of contribution or fee for graduation/moving up/completion ceremony,” anang DepEd.
Paalala pa ng DepEd, dapat na gawing simple lamang ngunit makahulugan ang idaraos na graduation at moving up ceremony.
Paliwanag ng DepEd, kung gagawing magarbo ang mga naturang seremonya ay makakadagdag pa ito sa alalahanin at pagkakagastusan ng mga magulang.
“Graduation rites should be simple but meaningful to encourage civil rights, a sense of community, and personal responsibility. While these rites mark a milestone in the life of the learners, these should be conducted without excessive spending, extravagant attire or extraordinary venue,” nakasaad pa sa kautusan, ng DepEd, na pirmado ni Education Secretary Leonor Briones.
Binigyang-diin pa ng DepEd na hindi rin dapat na gawing requirement para sa graduation o completion ng mga mag-aaral ang mga non-academic projects, gaya ng attendance sa field trips, film showing, junior-senior prom at iba pang school events.
Ang pagbibigay naman ng honor o parangal sa mga mag-aaral mula sa Grades 1 hanggang 12 ay dapat na alinsunod sa Department Order 36, series of 2016 na may titulong ‘Policy Guidelines on Awards and Recognition for the K to 12 Basic Education Program.’
Una nang sinabi ng DepEd na magkakaroon ng graduation ceremony ang mga Grade 6 at Grade 12 completers, habang moving up ceremony naman ang ipagkakaloob para sa mga magsisipagtapos sa Kindergarten at Grade 10 completers.
Dapat ding idaos ang mga naturang seremonya sa pagitan ng Abril 1 at Abril 5, 2019 lamang.
162