MAGBOBOTOHAN ang mga alkalde sa Kalakhang Maynila para sa susunod na community quarantine na paiiralin simula sa Hunyo 16.
Nabatid na wala pang pinal na desisyon ang Metro Manila mayors kaugnay sa posibilidad na isailalim sa normal general community quarantine ang National Capital Region (NCR).
Sinang-ayunan naman ng ilang alkalde na unti-unti nang luwagan ang restrictions sa NCR kada buwan pero pagbobotohan pa ang kanilang magiging pinal na desisyon ukol sa planong ilagay na sa normal GCQ ang buong Kamaynilaan at ilang lalawigan.
Sinabi naman ni Testing Czar Secretary Vince Dizon na susundin nila anoman ang magiging suhestyon ng mga eksperto.
Subalit naniniwala aniya ang pamahalaan na talagang kailangan nang bumalik sa trabaho ang ating mga kababayan.
Kaya naman kinakailangan na mabakunahan na ang mga manggagawa upang maging ligtas sa peligro ng COVID-19.
Una nang inihayag ng Inter-Agency Task Force na target ng pamahalaan na mabakunahan ang 70% ng populasyon sa buong NCR bago matapos ang 2021.
116