(NI CHRISTIAN DALE)
ISINAPUBLIKO na ng Malakanyang ang mga pangalan ng mga nanumpa kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bumubuo sa Bangsamoro Transition Authority (BTA).
Inilabas na rin ng Malakanyang ang kumpletong pangalan at appointment papers ng mga ito.
Base sa mga dokumento, Pebrero 22 nilagdaan ni Pangulong Duterte ang appointment papers kay Ahod Balawag Ebraim o mas kilala bilang Moro Islamic Liberation Front (MILF) chairman Al Haj Murad Ebrahim bilang interim chief minister at 75 iba pa.
Bukod kay Ebraim, mayroon nang appointment papers sina MILF chief peace negotiator Mohagher Iqbal, Ghadzali Jaafar at ilan pang personalidad na galing sa mga kilalang angkan sa Mindanao.
Kabilang dito ang mga apelyidong Mangudadatu (Khadafeh Gaguil), Pangandaman (Nabila Margarita Pacasum) Abbas (Basit Sarip) at Midtimbang (Midpantao Musa).
Kasama rin bilang miyembro ng BTA si Abdullah Gordiano Macapaar o mas kilala bilang Kumander Bravo at ang isang Ampatuan na si Baintan Adil Ampatuan, kasalukuyang Executive Director of the Regional Planning and Development Office ng dating Autonomous Region in Muslim MIndanao (ARMM).
May kabuuang 76 lamang ang mga pangalang mayroong appointment papers mula sa Malacañang, taliwas sa unang sinasabing 80 miyembro ng BTA.
Nabatid na ang tatlo hanggang apat na iba ay hindi nakakuha ng clearances sa National Bureau of Investigation (NBI), PNP, at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno dahil may mga nakabinbing kaso sa korte o sa Office of the Ombudsman.
114