(NI MAC CABREROS)
NAGKA-ABERYA ang pagboto ng mga kababayan sa Hongkong at Rome, ayon sa nakalap ng Saksi Ngayon, nitong Linggo.
Sa Facebook post ni Rowena Bermudez, sinabi nitong nasira ang makina sa unang araw ng botohan sa HongKong.
Aniya, malaki ang agam-agam ng mga absentee voters na posibleng magkaroon ng dayaan doon.
Sa Rome, Italy, ipinabatid ni Joanne Orillo Sevilla na walang makina ang embahada ng Pilipinas doon.
“Envelope voting dito,” post ni Sevilla.
Binanggit nito na ilalagay sa loob ng sobre ang kanilang boto saka seselyuhan at ihuhulog sa ballot box at mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) officers na lamang ang magpasok sa counting machine.
Aniya, alinsunod sa pahayag ng mga kinatawan doon na magkakaroon lamang ng counting machine sa Lunes at Huwebes.
“Paano namin makikita kung okay ‘yong machine,” diin Sevilla.
Nagpa-abot din ng pagdududa ang mga absentee voters doon sa magiging resulta ng botohan sa Rome.
“Paano kung ‘yong boto namin ay ma-Smartmatic? Kasi Comelec officials lang ang maglalagay sa machine,” agam-agam Sevilla.
Nagsimula ang overseas voting nitong Sabado (Abril 13). Napag-alaman na maari lamang ang envelope voting sa absentee voting kung saan matatanggap ng botante ang balota kasama ang listahan ng mga kandidato sa pamamagitan ng tradisyunal na pagpapadala at pagtanggap ng sulat o postal.
Isusulat ng botante sa balota ang kandidatong ibinoto nito; lalagyan ng thumb mark ang ballot coupon saka babaklasin ang coupon at titiklupin bago ipasok sa ballot envelope at isasara gamit ang paper seal. Pipirmahan at lalagyan ng stamp ang mga ito at ihuhulog sa post office sa takdang araw para makarating sa kinuukalan ang balota.
311