NAUBOS sa loob lang ng labing siyam (19) na araw ang isang daan at dalawamput limang (125) milyon pisong confidential funds ni Vice President Sara Duterte na hindi kasama sa 2022 national budget.
Ito ang ibinuko ni House deputy minority leader at ACT party-list Rep. France Castro kaugnay ng kuwestiyonableng confidential fund ni Duterte na lalong nagpainit sa bangayan ng dalawang opisyal.
Ayon kay Castro, nirelease ng Department of Budget and Management (DBM) noong December 13, 2022 ang SARO-BMB-C-22-0012004 sa Office of the Vice-President (OVP) na naghahalaga ng P221,424,000.
Sa naturang halaga, P96,424,000 para sa Medical Assistance habang P125 million naman ang confidential funds.
“In its Statement of Appropriations, Allotments, Obligations, Disbursements and Balances (SAAODB) as of December 31, 2022, the OVP reported that of this amount, as of the Quarter ending December 31, 2022, it had obligated and disbursed Php 155,000,000, with Php 66,424,000 remaining as unobligated allotment,” ani Castro.
“Now, in the OVP’s SAAODB as of the Quarter Ending June 30, 2023, it reported this same amount of Php 66,424,000 under Contingent Fund: Financial Assistance/Subsidy-Others. This implies that the whole Php 125,000,000 in Confidential Funds was already spent by Dec. 31, 2022, along with Php30,000,000 of the Financial Assistance, for a total of Php 155,000,000,” dagdag pa ng mambabatas.
Nangangahulugan aniya ito na nagastos ni Duterte ang P125 million confidential fund sa loob ng 19 araw o mula December 13 hanggang December 31, 2022 o 6,578,947.37 ginagastos ng Pangalawang Pangulo araw-araw.
Sa umiiral na patakaran, ginagamit lamang ang confidential funds sa surveillance-related activities tulad ng pagbili ng mga impormasyon, rent ng mga sasakyan, bahay para sa safe houses, supplies, kagamitan at pambayad sa mga impormante.
“Nagtataka kami kung paano mauubos ang ganoon kalaking pera para sa ganyang gawain sa napakaikling panahon. Saan ginastos ng ganun kabilis ang perang ito na kung tutuusin ay hindi confidential funds at hindi maaaring panatilihing lihim dahil walang awtorisasyon para rito ang OVP mula sa Kongreso noong 2022,” dagdag pa ni Castro.
Idinagdag pa nito na ‘sapat na sana ito para magtayo ng 50 classrooms o di kaya ay malaking tulong pang-ayuda sa ating mga kababayan lalo pa at ang taas ng presyo ng mga bilihin sa panahong ‘yan (December 2022) lalo na ng sibuyas”.
(BERNARD TAGUINOD)
332