(NI NOEL ABUEL)
IBINUNYAG ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na isa si Senate Finance Committee Chairperson Loren Legarda sa mga senador na may insertion sa 2019 national budget.
Tinukoy ni Lacson na isa sa mga ito ay si Legarda na may P2.8 bilyon na inilaan para sa lalawigan ng Antique kung saan ito kumakandidato bilang kongresista.
Una nang sinabi ni Lacson na bukod sa mga kongresista na may tig-P160 milyon, may mga isiningit din na individual amendments ang ilang senador na nasa P2.3 hanggang P2.8 bilyon.
“Ang P2.8, ang Antique. Ang conclusion ko roon, kay Sen. Loren ‘yan. Kaya ‘yan, tapos may P2.3 plus may nakita pa kaming P483M pero karamihan mga soft,” pahayag ni Lacson.
“May sinasabi ako roon na nagkaroon pa ng pondo ang PNP, bibigyan niya ng intelligence fund ang PNP Antique. Sabi ko pag pinag-bundle pa niya ang intelligence fund at ang fuel allowance, additional. Sabi ko magagalit ang PNP nito kasi dapat sa central HQ ito at saka magagalit ang COA rito dahil hindi mo pwede pagsama-samahin,” dagdag pa ni Lacson.
Aniya, naniniwala ito na posible itong i-red flag ng COA subalit iginiit naman anya ni Legarda na natanggal na ito sa budget pero nakita pa rin niya ito sa bicam report.
“Pero sabi naman niya pagkatapos ko mag-deliver ng privilege speech, sabi niya tinanggal na namin ‘yan. Sabi ko e di mabuti pero nakita ko kasi pati roon sa bicam report eh. ‘Yan ang kalakaran ng mga individual at institutional,” giit ni Lacson.
Inilarawan pa ng senador ang pangyayari sa bicam na mistulang nagkamutan lamang ng likod ang mga kongresista at senador.
“Yan ang dine-describe ko na reciprocal consensus. Ibig sabihin, parang kamutan ng likod dahil parehong meron, so paano magtatanggalan?” diin ng senador.
173