(NI BERNARD TAGUINOD)
ISUSUMITE na bukas, Martes, ng Department of Budget and Management (DBM), ang 2020 national budget na nagkakahalaga ng P4.1 Trillion sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ito ang napag-alaman sa tanggapan nina House Speaker Alan Peter Cayetano at House Majority leader Ferdinand Martin Romualdez ukol sa kopya ng national budget na pormal nang isusumite ni DBM acting Secretary Wendel Avisado sa mga ito.
Karaniwang isinusumite ng DBM ang kanilang proposed budget ilang araw pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa ikatlong Lunes ng Hulyo kaya itinuturing na delayed na ang ikaapat na national budget ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunpaman, sinabi ni Cayetano na agad nilang ipapasa ang pambansang pondo kung saan target ng mga ito na maipasa ito sa ikalawang pagbasa sa Oktubre 5 hanggang Oktubre 7.
“Our target is to immediately pass the national budget without delays.
Our target is efficiency, quality and yet faster,” ayon kay Cayetano upang masiguro na maging batas ito bago matapos ang kasalukuyang taon.
Sinabi naman ni Romualdez na lahat ng mga vice chairman ng House committee on appropriations na pinamumunuan ni Davao City Rep. Isidro Ungab ay sabay-sabay na magsasagawa ng pagdinig sa pondo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
“The timely passage of the national budget and other priority measures will further propel the country’s economic growth. If we can sustain this, we might go to greater heights never seen before,” ani Romualdez.
253