PAG-IISYU NG NAT’L ID PINABIBILISAN

NGAYONG nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic Act (RA) 11982 na magbibigay ng cash benefit sa octogenarians at nonagenarians, kailangang bilisan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pag-isyu ng national IDs, ayon sa isang mambabatas.

Sa ilalim ng nasabing batas, makatatanggap ng P10,000 ang mga Pilipinong sasapit sa kanilang ika-80, 85, 90 at 95 kaarawan at panibagong P100,000 sa kanilang ika-100 taon bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa lipunan.

Ayon kay House deputy minority leader Bernadette Herrera, upang masiguro na hindi mahihirapan ang beneficiaries ng nasabing batas ay dapat bilisan ng PSA ang pag-isyu ng kanilang national ID.

“The PhilSys ID is needed because it is a swiftly verifiable ID thanks to its use of QR coding. This ID will identify the seniors and their exact age to determine their eligibility for the P10,000 cash gift granted by the amendments to the Centenarians Act of 2016,” ani Herrera.

Hindi na aniya dapat pahirapan ang matatanda sa pamamagitan ng pag-obliga sa mga ito na maglabas ng maraming ebidensya na edad-80 na sila kaya mahalaga ang national ID.

Ikinatuwa naman ng ilang mambabatas na ganap nang batas ang kanilang panukala dahil hindi na kailangang maghintay ang mga senior citizen na umabot ng P100 para makatanggap ng cash gift.

“Our esteemed elderly citizens have dedicated their lives to the betterment of our nation, and it is our solemn duty to ensure they receive the care and support befitting their legacy,”ayon naman kay House Speaker Martin Romualdez.

Bukod sa cash benefits ng nakatatanda, nilagdaan din ni Pangulong Marcos nitong Lunes ang Tatak Pinoy o Proudly Filipino Act na layong dalhin ang mga produktong gawa ng Pilipino at serbisyo.

Sa isang kalatas, sinabi ni Speaker Romualdez na ang Tatak Pinoy Act ay mahalagang hakbang tungo sa pagbabago ng ekonomiya sa pamamagitan ng paghihikayat sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor at palakasin ang competitiveness ng local enterprises.

Naudlot naman ang paglagda sana sa panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers.

Hangad ng Magna Carta of Filipino Seafarers na ayusin ang karapatan at responsibilidad ng seafarers at magtatag ng mekanismo para sa proteksyon ng karapatan ng mga ito at paano sila hihingi ng tulong at lunas mula sa mga ahensya ng pamahalaan.

Nauna rito, sa isang liham mula sa Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) para sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, nakasaad na nakatakdang lagdaan ng Pangulo ang Magna Carta of Filipino Seafarers sa isang ceremonial signing sa Palasyo ng Malakanyang nitong Lunes, Pebrero 26.

Gayunman, ipinagpaliban ito. “Under further review,” ang sabi ni PCO Secretary Cheloy Garafil nang tanungin kung bakit hindi nakasama ang Magna Carta of Filipino Seafarers sa mga nilagdaang batas ng Pangulo.

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

51

Related posts

Leave a Comment