(NI CHRISTIAN DALE)
MAGIGING kasangga at kakampi ng Pilipinas ang Estados Unidos sakaling may military aggression o giyera sa South China Sea.Ayon kay US Secretary of State Michael Pompeo, kung ang military activity ng China sa South China Sea ay magiging banta sa seguridad, soberenya at ekonomiya ng Pilipinas, magiging banta rin daw ito sa Estados Unidos.
Aniya, kanilang tinitiyak ang commitment ng Estados Unidos sa Mutual Defense Treaty (MDT) sa Pilipinas.
Para naman kay Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin, inihayag nitong produktibo ang kanilang pag-uusap ni Pompeo kung saan nagkasundo silang palalawakin ang kooperasyon at bilateral relations ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa kabilang dako, pinagtibay naman nina Pangulong Duterte at Pompeo sa kanilang bilateral meeting kagabi ang matagal ng alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon kay State Department Deputy Spokesperson Robert Palladino, tinalakay nina Pangulong Duterte at Sec. Pompeo kung paano pa mapaigting ang kooperasyon para sa regional security at paglaban sa terorismo.
Nagpalitan din pananaw ang dalawang lider kaugnay sa pagsisikap na makamit ang denuclearization ng North Korea.
Sinabi naman ni US Ambassador to the Philippines Sung Kim na naging produktibo ang nasa 50 minutong pulong na ito na layong palalimin pa ang ugnayan ng Pilipinas at Estado Unidos.
At para naman kay PHL Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na posibleng nabanggit rin ni Pompeo kay Pangulong Duterte ang nangyari sa katatapos lamang na Hanoi Summit nina US President Donald Trump at North Korean leader Kim Jong-un
May nakatakda namang pagpupulong ngayon si Sec. Pompeo kay Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin para pag-usapan naman ang pagpapaigting ng joint efforts ng dalawang bansa para sa kapayapaan at seguridad sa Indo-Pacific region.
119