(NI NOEL ABUEL)
DAHIL sa hindi na mapigilang paglobo ng bilang ng mga matataba sa bansa, partikular sa mga kabataan, naghain ng panukalang batas si Senador Bong Revilla para sa karagdagang physical activities at traditional games sa K to 12 curriculum.
Sa isinumiteng Senate Bill No. 1121, o “An Act Providing for the Mandatory Inclusion of Anti-Obesity Education Program and Exercise including Play and Traditional Games, in the Pre-School, Elementary and High School Curricula, Both in Public and Private Schools and Educational Institutions,” layon nito na masolusyunan ang lumalalang problema ng matataba.
Naniniwala si Revilla na ang kamalayan, pagpapahalaga at reponsabilidad ng isang tao para sa sariling kalusugan ay dapat magsimula sa murang edad upang makapagtayo ng malakas na pundasyon ng malusog na pamumuhay at maengganyo na maiwasan ang mga karamdaman.
Base sa 8th National Nutrition Survey na isinagawa mula Hunyo 2013 hanggang Abril 2014 ng Food and Nutrition Research Institute (FMRI), 5 porsiyento ng mga bata na may edad 0-5 at 8.3 porsiyento ng mga batang may edad 10-19 ay sobra sa timbang, samantalang 31.1 porsiyento ng mga mas may edad ay nagdurusa sa clinical obesity.
Lumalabas umano sa mga pag-aaral na ang paglaganap ng sobra sa timbang sa mga batang may edad na 0-5 ay patuloy ang pagtaas at ang average na 0.17 porsiyento taun-taon sa loob ng nagdaang 24 na taon ay umiiral.
Samantala, ang paglaganap ng sobra sa timbang sa mga school-age at adolescent groups ay tumaas ng 0.33 porsiyento at 0.34 porsiyento ayon sa pagkakasunod sa loob ng 10 taon.
“Dahil sa pagtaas ng overweight at obesity rate sa bansa, marami sa ating mga kababayan ay parang naglalakad na ‘time bomb’ dahil anumang oras, maaari nilang ikapahamak ang anumang komplikasyon sa kalusugan na dulot ng sobrang timbang. Hindi na natin dapat pang hintayin ang araw na iyon. Dapat ngayon pa lang, we should promote an active lifestyle among our youth para mapangalagaan sila,” paliwanag ni Revilla.
172