PAUWI na ang mga Pinoy na inilikas sa Tripoli, Libya makaraang mapapayag ang mga itong lisanin na ang naturang bansa dahil sa kaguluhang nagaganap.
Nitong Miyerkoles ay nagsimula nang ilikas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pinoy sa Tripoli, Libya bunga ng nagaganap na kaguluhan doon.
Sinabi ng DFA na ang unang batch ng mga inilikas na Pinoy ay kinabibilangan ng tatlong hospital worker at apat na estudyante.
Ang mga ito umano ay dadalhin sa Tunisia kung saan sila sasakay ng eroplano pauwi ng Pilipinas.
Sinabi ni Embassy Chargé d’Affaires Elmer Cato, na 13 pang Filipino ang nakatakdang ilikas patungong Tunisia sa mga susunod na araw.
Sasagutin umano ng isang Islamic school sa Tripoli ang gastusin sa repatriation ng apat na estudyante, habang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) naman ang magbabayad ng airfare ng tatlong manggagawa mula sa Ali Omar Ashkar Hospital, na nasa labas ng Tripoli.
Maliit pa lamang umano ang bilang ng mga gusto nang umuwi ng Pilipinas dahil sa halos 1,000 nagtatrabaho roon ay nasa 20 pa lamang ang pumayag na makauwi sa bansa.
Nakataas na rin ang alert level 3 dahil sa civil war sa Libya.
Una nang nanawagan ang pamahalaan sa mga Pinoy sa Libya na sumailalim sa voluntary repatriation para sa kanilang kaligtasan.
Isang Pinoy ang naiulat na nasugatan nang mahagip ng rocket attack ang kaniyang bahay sa Tripoli, nitong Martes.
Kinilala ang nasugatang Pinoy na si Rolando Torres, tubong Nueva Ecija, at 2006 pa nagtatrabaho sa Libya na nagpahayag na ng kagustuhang makauwi ng bansa.
269