(NI BERNARD TAGUINOD)
GAGAWIN nang regular workers ng gobyerno ang mga day care workers sa lahat ng mga barangay sa buong bansa kapag naipasa ang isang panukalang batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa House Bill (BH) 5287 na inakda Zamboanga City Rep. Manuel Jose Dalipe, sinabi nito na malaki ang kontribusyon ng mga day care workers sa paghubog sa mga paslit na ipinakakatiwala sa kanila ng mga magulang para turuan.
“However, despite the important role that these workers play in carrying our children’s needed care and learning experience, they still do not enjoy the benefits of a regular government employees,” ani Dalipe.
Dahil dito, nais ng mambabatas na magkaroon ng plantilla para sa mga day care workers sa lahat ng barangay upang magkaroon ang mga ito ng regular na sahod mula sa gobyerno.
Sa ngayon ay mga allowance lamang ang tinatanggap ng mga day care workers mula sa kanilang munisipiyo subalit hindi nakasasapat ang ito para magkaroon sila ng maayos na pamumuhay.
Kapag naging batas ang nasabing panukala, magkakaroon ng dalawang day care workers sa bawat barangay at plantilla na Day Care Worker 1 at Day Care Worker II.
Ang Day Care Worker 1 ay sasahod ng P14, 847 na katumbas ng Salary Grade (SG) 6 habang ang Day Care Worker II ay SG 8 ang kanyang magiging sahod o P16,756 kada buwan.
Tulad ng lahat ng mga government employees, bukod sa sahod ay magkakaroon ang mga ito ng mga benepisyo tulad ng Government Service Insurance System (GSIS), allowances, leave benefits at iba pa.
“It is high-time that their economic conditions be alleviated. By guaranteeing the rights of day care workers to security of tenure, humane working conditions and appropriate living wage, the State would be contributing to the improvements of the quality of early childhood care and education,” ayon pa sa panukala ni Dalipe.
146