PRESSCON AT ‘TSISMIS’ INATUPAG
(Ni CHRISTIAN DALE)
SI Vice President Leni Robredo ang ‘failure’ at hindi ang kampanya laban sa ilegal na droga ng pamahalaan dahil wala umano itong inatupag kung hindi mag-presscon at kausapin ang mga hindi nararapat na tao na maihahalintulad sa tsismis, noong maupo ito bilang interagency committee on anti-illegal drugs (ICAD) co -chair.
Banat pa ng Malakanyang, “supot” ang pasabog ni Robredo kahapon.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, ang pag-upo ni Robredo bilang ICAD co -chair ang naging ‘failure’ at hindi ang kampanya ng pamahalan laban sa ipinagbabawal na gamot.
Bukod aniya sa nalansag ng pamahalaan ang maraming bilang ng illegal drug factory, napigilan ding maging biktima ng droga ang nakararaming Filipino.
Nananatili aniya ang katotohanan na marami ring bilang ng mga durugista at drug pusher ang sumuko sa mga awtoridad.
Hindi rin aniya nakalusot ang mga tinatawag na high value target suspects.
Pinagtawanan naman ng Malakanyang ang mga pigurang inilabas ni Robredo na taliwas sa tunay na pigurang nakatala sa mga awtoridad.
“Ang problema sa kanya kasi, hindi siya nakikinig sa paliwanag ni Presidente. Sabi ni Presidente, sang-ayon sa PDEA, iyong involved sa drugs mga 1.4 something ay iyon pala ay concentrated lamang sa Maynila. Ang natuklasan niya kapag buong Pilipinas na ang pinag-uusapan ay umaabot na doon sa ganoong karami. I can’t even understand why hindi siya nakikinig sa paliwanag ni Presidente at saka iyon din iyong pinapaliwanag sa kanya noong doon siya nakaupo. Ang problema kasi eh ang ginawa niya roon puro press conference, puro pakikiusap sa mga hindi naman dapat kausapin. Eh di, iyon ang nangyari,” ayon kay Sec. Panelo.
Giit ni Panelo, walang bago sa pasabog ni Robredo sa kanyang mga diumano’y natuklasan bilang ICAD co-chair.
Si Pangulong Duterte aniya ay mayroong unlimited resources pagdating sa pigura na may kinalaman sa ilegal na droga habang si Robredo ay nandoon lamang sa opisina nito at nakaupo ng ilang araw.
“Wala naman siyang expertise. Sana kinonsulta niya iyong mga nandoon mismo kung ano ang kanilang palagay,” banat pa ni Panelo kay Robredo.
BINARA SA KAMARA
Binanatan din sa mababang kapulungan ng Kongreso si Robredo matapos nitong bakbakan ang kampanya laban sa ilegal na droga sa bansa at ipinatitigil ang tokhang.
“Matagal nang walang Tokhang di ba?,” ani PBA party-list Rep. Jericho Nograles.
Kontra rin ang mambabatas sa mungkahi ni Robredo na ilipat sa Dangerous Drugs Board (DDB) ang chairmanship ng Inter-agency committee on dangerous drugs (ICAD) mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ang lipat ng responsibility means increase of budget in those agencies. Tapos na budget season at pirmado na budget. Ngayon pa lang nag-statement?,” ayon pa kay Nograles.
NAMUMULITIKA
Inakusahan naman ng pamumulitika ng ng Philippine Drug Enforcement Agency si Robredo.
“I see her recommendations as a mere political attack against President Rodrigo Duterte.”
Ito ang tugon ni PDEA Director General Aaron Aquino sa Ulat sa Bayan kahapon ng pangalawang pangulo na one percent lang ng P1.3 trillion halaga ng droga na kumakalat sa bansa ang nasabat ng gobyerno sa loob ng tatlong taon.
“How can she claim it’s a failure?”
Ayon kay Aquino, nakalulungkot ang pahayag ni Robredo na sa loob ng 18 araw nitong panunungkulan bilang ICAD co-chairman ay binalewala na niya at isinantabi ang lahat ng naging accomplishments at pagsisikap ng pamahalaan sa loob ng tatlong taon.
Sa datos ng PDEA, sa 33,881 na barangay ay na-clear nila sa impluwensiya ng droga ang may 16,706 barangays o 49.13 percent.
Si Robredo ay itinalaga ni Pangulong Duterte bilang co-chairman ni PDEA chief Aaron Aquino sa ICAD.
Gayunman, agad din itong inalis matapos hindi masiyahan ang Pangulo sa kanyang performance. (May dagdag na ulat sina BERNARD TAGUINOD, JESSE KABEL at JOEL AMONGO)
171