(NI BETH JULIAN)
WALANG maibigay na konkretong pahayag ang Malacanang kaugnay sa pagbubunyag sa mga pangalan ng mga artistang nasa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo, hindi pa ito makapagbibigay ng anumang pahayag dahil kailangan pa nitong tanungin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Panelo na dapat na manggaling sa Pangulo ang desisyon kung pabor ito o hindi na ilantad at pangalanan ang nasa 31 sangkot sa ilegal na droga.
“I have to ask the President. Ayaw ko lang ma-misquote,” tugon ni Panelo nang tanungin ng media ukol sa paglalantad ng pangalan ng mga artistang nakapaloob sa drug watchlist.
Una nang isiniwalat ng pinuno ng PDEA na 31 artista ang kasama sa kanilang drug watchlist saan mayorya sa mga ito ay pawang aktibo at napapanood pa rin sa primetime shows sa mga telebisyon.
“Mga wholesome pa ang roles sa telebisyon and yet itong mga artista na ito iba po ang ginagawa ‘pag gabi. Sila pa mismo ang tinutularan ng ating mga kabataan pero kung umoorder ng ecstasy, 200 piraso,” wika ni Aquino.
Sa ngayon ay tuloy pa ang PDEA sa pagre-revalidate ng mga pulitikong umano’y sangkot sa ilegal na droga.
“Wala pa po kami balak i-validate ngayon ang mga celebrities, judges and prosecutors. Siguro pagkatapos namin i-revalidate ‘yung mga narco politicians, doon mag-umpisa na rin kaming mag-validate ng mga tao na ito,” pahayag ni Aquino.
136