Pangungunahan ni VP Sara NATIONWIDE BALIK-ESKWELA ARANGKADA NA

(CHRISTIAN DALE)

MULING bubuhos ngayong araw sa mga paaralan ang mga estudyante at guro para sa pagbabalik ng face-to-face classes.

Sa datos ng Department of Education (DepEd), as of August 19, nasa kabuuang 27,158, 578 na mga estudyante ang nagparehistro.

Aabot naman sa 23,029,151 ang nagpa-enroll sa in-formal education, habang 4,129, 427 ang nagpatala para sa early registration.

Ang Calabarzon ang nakapagtala ng pinakamataas na number of registrants na umabot sa 3,709, 599, sinundan ng Central Luzon – 2,810,330 at National Capital Region na mayroong 2,406, 014 enrollees.

Maaari pa ring mag-enroll ngayong araw at paalala ng DepEd, maaari itong gawin sa pamamagitan ng in-person, remote, at dropbox forms.

Maari ring magpatala ang mga mag-aaral ng Alternative Learning System o ALS via Online o In-person.

Target ng ahensya ang limited F2F classes hanggang Oktubre at simula November 2, kailangan nang bumalik sa face-to-face classes ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.

Samantala, iniulat ng DepEd na ngayong araw ay makatatanggap ng P5,000 allowance ang lahat ng mga guro bilang tulong pinansyal sa mga ito.

Kaugnay nito, bibisita si Vice President Sara Duterte, na siya ring kalihim ng Department of Education (DepEd) sa lalawigan ng Bataan para sa unang araw ng klase ng School Year (SY) 2022-2023.

Gaya ng anunsyo ng DepEd, nakatakdang bisitahin ni Duterte ang Dinalupihan Elementary School sa Bataan ngayong nationwide school opening day.

Inaasahan na magbibigay ng kanyang mensahe si Duterte ukol sa kahandaan ng DepEd para sa bagong school year at maging ang paghingi ng suporta mula sa education stakeholders para sa tagumpay ng school opening.

Tumbasan ng kahandaan

Sa kabilang dako, sinabi ni Senador Joel Villanueva na kailangang matumbasan ng kahandaan ng mga pasilidad, mga guro, at estudyante ang inanunsyong “all systems go” ng Department of Education (DepEd) para sa pagbubukas ng klase.

“Hindi na po dapat maulit ang panahon ng mga nawawalang silid-aralan, hatian sa mga mesa at upuan, at pagkakaroon ng klase sa ilalim ng puno. Inaasahan po natin na papasok ang ating mga estudyante sa mga komportableng silid-aralan na may kumpletong learning materials, gaya ng ipinangako ng DepEd,” paalala ng senador. (May dagdag na ulat si ESTONG REYES)

Related posts

Leave a Comment